INIHAHANDA na ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang 24 pampublikong paaralan upang gawing vaccination centers para sa CoVid-19.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang mga naturang public schools ay pinili nila dahil sa pagkakaroon ng maluwag na espasyo at pinakamalapit sa health centers, kung saan iiimbak ang mga bakuna laban sa CoVid-19.
Pawang public schools rin aniya ang kanilang napili dahil nasa pinaka-estratehikong lugar at episyenteng maging venue para sa pagbabakuna.
“Schools have ample space to ensure the free movement of personnel and to implement social distancing. They are also the nearest venues from our health centers, where the vaccines coming from Zuellig to our cold storage facility will be stored,” paliwanag ng alkalde.
Ayon kay Belmonte, ang bawat inoculation site ay mayroong well-ventilated waiting area, registration area, counseling area, screening area, vaccination room, at observation room.
Magkakahiwalay rin aniya ang mga silid para sa vaccination at observation ng mga pasyente na nakatanggap ng bakuna.
Nais ng QC LGU at Zuellig na matiyak na bawat vaccination site ay mayroong unidirectional workflow o isang entry at isang exit lamang at may mga palikuran.
Nabatid na pinangunahan ng mga opisyal ng Quezon City Health Department at Zuellig Pharmaceutical Company, kasama ang City Engineering Department, General Services Department, at Information and Technology Development Department ang inspeksiyon sa mga gagawing triage areas.
Sinabi ni QC Health Department Chief Dr. Esperanza Anita Escaño-Arias, ang mga bakuna ay sensitive kaya’t hindi ito maaaring ma-expose sa direct sunlight.
“To avoid wastage of the vaccine, the vaccination itself should take place in a covered facility. The vaccine is very sensitive lalo na kapag naarawan,” ani Dr. Arias.
Magtatalaga umano sila ng 22 empleyado para sa bawat vaccination site at ang bawat team ay binubuo ng physicians, marshals, vaccinators, counselors, at admin staff.
Mayroon isang generator set na nakaantabay sa bawat site at ambulansiya mula sa Barangay Health Emergency and Response Team (BHERT), sakaling magkaroon ng emergency.
Samantala, bukod sa mga paaralan, nabatid na plano ng QC LGU na magdagdag ng iba pang vaccination sites.
Sa ngayon ay isinasapinal umano ng lungsod ang pakikipag-usap sa Diocese of Cubao at Diocese of Novaliches na iniaalok ang kanilang mga parokya upang maging inoculation venues.
Target ng city government na inisyal na makapagbakuna ng 1.05 milyong mamamayan, base sa priority listing na ibinigay ng Department of Health (DOH).
Kasama rito ang mga public at private healthcare workers, barangay frontliners, senior citizens, persons with disability, uniformed personnel, at indigent families.
Una nang lumagda ang QC LGU ng tripartite agreement sa national government, sa pamamagitan ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) at AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines. (ALMAR DANGUILAN)