NAGLULUKSA ang higit isang milyong Filipino sa United Arab Emirates (UAE) dahil sa pagkamatay ng isang Pinay na receptionist na naiulat na nawawala noon pang Marso 2020 at natagpuan ang kanyang labi noong isang buwan.
Bumaha sa social media ang mga panawagan ng hustisya, mga mensahe ng simpatya at pakikiramay para sa mga kaanak ni Mary Anne Daynolo, receptionist sa isang island resort na nabalitang nawawala noon pang 24 Marso 2020.
Ayon sa Philippine Embassy, ginagawa nila ang lahat upang matiyak na makuha ang katarungan para kay Daynolo.
Anang Embassy sa kanilang pahayag, natagpuan ang labi ni Daynolo ng mga pulis-UAE noong 19 Enero at nailipad pauwi ng Maynila noong Sabado, 30 Enero.
“The Embassy of the Philippines expressed deep sadness and extended condolences to the family of Ms. Mary Anne Daynolo,” ayon sa pahayag ng embahada na inilabas noong Lunes, 1 Pebrero.
Tiniyak ni Ambassador Hjayceelyn Quintana sa mga kaanak ng biktima na lahat ay gagawin nila upang magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ni Daynolo.
Ayon sa mga awtoridad sa Abu Dhabi, inamin ng suspek na katrabaho ni Daynolo ang krimen at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.
“The Philippine Embassy in Abu Dhabi is in close coordination with the family and the Abu Dhabi authorities on the ongoing criminal investigation surrounding the death of Ms. Daynolo,” ayon sa Embahada.
Nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng Embahada sa mga awtoridad ng UAE simula noong maiulat na nawawala si Daynolo noong Marso ng nakaraang taon. (Mula sa ulat ni JOJO DASS)