NASAKOTE ang itinuturing na most wanted sa Region 3 gayon din ang lima pang wanted persons sa serye ng pinatinding search and warrant operations na inilatag ng Bulacan PNP hanggang nitong Sabado, 30 Enero.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office, ang Region 3 Most Wanted na si Edmund Iglesia (Regional MWP 1st Qtr 2021), residente sa Brgy. Biñang 1st, sa bayan ng Bocaue, lalawigan ng Bulacan, na naaresto sa ikinasang manhunt operation sa bayan ng Alaminos, lalawigan ng Laguna, ng tracker team ng Bocaue MPS dahil sa paglabag sa RA 6539 o Anti-Carnapping Law na inilabas ni Hon. Mirasol Dychingco, presiding judge ng RTC Branch 20, ng lungsod ng Malolos noong 25 Abril 2018. Walang piyansa ang rekomendasyon ng hukom.
Kasabay nito, naaresto rin ang apat pang wanted persons sa iba’t ibang manhunt operations ng Bocaue, Bustos, Malolos, Marilao, Plaridel, at Pulilan police katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Marlon Binagan, residente ng Brgy. Bangkal, lungsod ng Malolos, dahil sa kasong Resistance and Disobedience; Augusto Marquez, residente ng Brgy. Lumangbayan, bayan ng Plaridel sa kasong Frustrated Homicide; Ronnel Sequiña, residente ng Brgy. Lambakin, bayan ng Marilao sa kasong Qualified Theft; at Angelito Santiago alyas Unyo, residente ng Brgy. Cambaog, bayan ng Bustos, sa kasong rape.
Samantala, nadakip si Vernan Regalado, residente sa Brgy. Inaon, Pulilan, Bulacan sa ipinatupad na search warrant ng mga operatiba ng Pulilan MPS kasama ang mga elemento ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearm and Ammunition Law.
Gayon din, nagpatupad ang mga operatiba ng Calumpit MPS ng search warrant sa isang bahay sa Brgy. Iba O’Este, sa bayan ng Calumpit, na nagresulta sa pagkarekober ng isang kalibre .45 pistol na kargado ng anim na bala.
Ginawa ang pagrekisa sa harap ng mga nakatira sa bahay at ng mga barangay official sa lugar.
Inihahanda ang mga kasong kriminal laban sa mga suspek na nakatakdang ihain sa korte.
(MICKA BAUTISTA)