NAKIKIUSAP pa si Eva Carino sa kanyang anak na si BB Gandanghari na umuwi na lang dito sa Pilipinas. Bakit nga naman hindi, eh iniintindi rin naman siya ng kanyang ina at mga kapatid na nariritong lahat sa Pilipinas, samantalang siya ay nag-iisa sa US. Dumating din naman iyong panahon na nagkasakit siya, wala man lang dumamay sa kanya. Paano nga siyang dadamayan eh ang layo niya.
Kung ano-ano na rin ang nangyari sa kanyang buhay roon. Hindi nga ba’t sinasabing may panahong pumasok pa siyang Grab driver. Kung naririto ba siya sa Pilipinas ay mangyayari iyon? Dito, kahit na nga sabihin mong nag-out na siya, may kukuha pa rin sa kanya sa ibang trabaho. Maaari pa rin siyang maging product endorser, maaari siyang maging model, at saka rito siya mag-vlog.
Ang maiiba nga lang, doon sa US may pinanghahawakan siyang “court order”na siya ay kilalanin bilang isang transwoman, hindi na siya lalaki legally. Kung dito siya sa Pilipinas ay wala iyan. Dito kung sa birth certificate mo ay lalaki ka, lalaki ka.
Pero ganoon ba naman kahalaga sa kanya iyong masabing transwoman siya, eh sa ayos lang naman niya at sa kilos niya hindi na kailangan ang ganoong papeles.
Natural lang sa isang nanay na kung nalalaman niyang hindi rin naman maganda ang kalagayan ng kanyang anak sa kinaroroonan niyon, pauuwiin na niya talaga. Kung hindi man siya matanggap ng mga kapatid niya bilang isang transwoman, tanggap pa rin siya ng nanay niya.
Siguro iba ang sitwasyon kung alam ni Eva Carino na maganda ang kalagayan niya sa US. Kung nangyari nga ang pangarap niyang maging artista sa Hollywood, o kaya ay nagkaroon siya ng magandang pinagkakakitaan sa US, baka ang sabihin pa ng ermat niya ay huwag na siyang umuwi rito at kunin na siya para roon na rin tumira.
Kaso iba nga ang sitwasyon niya sa US eh. Hindi naman maikakaila, at inaamin din naman niya na ang buhay niya sa US ay ”far from being ideal.” Inaamin niyang mahirap doon dahil siya ang nag-aasikaso ng lahat, pati ang paglilinis ng bahay, paglalaba at pagluluto ng kakainin niya.
HATAWAN
ni Ed de Leon