KASABAY ng pahayag ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi muna papayagan ang mga bata na lumabas ng bahay umapela siya sa mga magulang na tulungan ang kanilang mga anak na makasabay sa hamon ng sistema ng kanilang pag-aaral gamit ang internet.
Ang pahayag ng alkalde ay bago bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng IATF na payagang lumabas ang may edad 10-14 anyos sa mga sakop ng MGCQ dahil sa banta ng UK variant ng CoVid-19.
Paliwanag ni Moreno, GCQ ang umiiral sa Metro Manila at batay sa datos nila, mga kabataan ang maraming tinatamaan ng sakit.
Sinabi ng alkalde, nais niyang maging normal ang lagay sa mga komunidad at mapausad na ang ekonomiya pero iisa lamang ang buhay at kapag ito ay nawala, mas hindi kayang tugunan ng gobyerno ang dalamhating hatid nito sa mga naulila.
May mga ibinigay aniyang gamit ang lungsod na makatutulong para malibang ang mga bata at matuto sa gitna ng pandemya.
Tiwala si Mayor Isko, sa mga susunod na buwan ay unti- unti nang bubuti ang sitwasyon lalo kapag umusad ang programang pagbabakuna kontra CoVid-19 na isinusulong ng gobyerno.