TINAWAG na insulto ng pangulo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang akusasyon ng militar na isa sa mga unibersidad na nagrerekrut ng mga estudyante para maging kasapi ng New People’s Army (NPA).
Ayon kay PLM President Emmanuel Leyco, malaking insulto sa kanilang faculty, masisipag na staff, at magagaling na estudyante na inihahanda nila para maging lider ng bansa tungo sa maunlad na Filipinas.
Sinabi ni Leyco, hindi katanggap-tanggap ang nasabing akusasyon sa gitna ng pagpupursigi ng education sector partikular ng PLM Community na makaagapay sa mga hamon ng online education.
Binigyang diin ni Leyco, hindi sila aware o wala silang alam sa recruitment ng CPP-NPA sa loob ng campus at hindi rin sila nasabihan o nabalaan ng mga awtoridad hinggil sa umano’y aktibidad ng mga makakaliwa.
Buo aniya ang “passion” nila para sa public service lalo na’t ang mga pinakahuling graduates nila ay medical doctors na bahagi ng medical frontliners sa Maynila bukod pa sa mga nagseserbisyo sa gobyerno bilang mambabatas, nasa hudikatura at maging nasa executive branch.