FACE-TO-FACE CLASS sa mga batang mag-aaral. Ito ang orihinal na plano ng pamahalaan at mag-uumpisa sana ito ngayong buwan – huling linggo ng Enero.
Binalak ang face-to-face class dahil maraming mag-aaral ang nahihirapan sa online classes o module approach. Maging ang kanilang mga magulang ay hirap din sa pagtuturo.
Sa plano, hindi naman sa buong bansa ang implementasyon ng sana’y face-to-face kung hindi selected areas – cities, towns lang. Ang maaaring magkakaroon lang ng face-to-face ay mga lugar na mababa ang rate ng CoVid-19.
Salitan ang mga bata sa pagpasok. Kung baga, limited lang ang attendance tuwing klase. Hanggang 50% or less ang attendance.
Kasama rin sa plano na hindi naman mandatory ang pagpasok ng bata – kung ayaw ng magulang na papasukin ang bata dahil sa takot sa CoVid-19, okey lang naman.
Pero ang plano ay hindi natuloy – obvious naman ang dahilan kung bakit hindi natuloy. Nariyan pa rin ang virus at masasabing hindi pa rin safe ang mga bata kahit sabihin pang mababa ang posibilidad na mahawaan ang mga bata.
Ano pa man, tama lang ang desisyon ng gobyerno na huwag ituloy ang plano – malamang naman kasi baka iisa lang ang batang papasok o baka nga wala pa lalo na wala pang bakuna o kung mayroon man ay marami pa rin ang nangangamba sa effectivity ng vaccine.
Hindi itinuloy ang plano dahil nga hindi pa rin matiyak ang seguridad ng mga mag-aaral pero, ano ito!? Ang alin? Sa kabila kasi ng pagbabasura sa planong face-to-face ngayong buwan, pinapayagan na ng gobyerno na ‘maglamiyerda’ ang mga bata. Puwede nang lumabas ng bahay ang mga bata, puwede nang kumain sa Jollibee, Mc Do at iba pa. Gano’n!?
Oo puwede nang lumabas ng bahay ang mga batang nasa edad 10-anyos hanggang 14-anyos. Wow! Labo naman yatang desisyong ‘yan ng gobyerno. Kaya nga ibinasura na ang planong face to face pagkatapos…heto ang kapalit, puwede na ang mga bata sa lansangan o sa paglalamiyerda.
Makalalabas ang mga bata sa kondisyong kasama raw ang kanilang magulang. Iyan ang paglilinaw naman ng eksperto (daw) – ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease.
Sa Pebrero pa naman ang implementasyon ng regulasyon pero tama nga ba ang desisyon. Heto nga may kinahaharap tayong bagong variant ng CoVid-19 pagkatapos maglalabas pa ng ganitong desisyon ang IATF. Nakatatawa ano. Hindi na nga natuloy ang klase pagkatapos papayagan na ang mga bata lumabas.
Heto ang isa sa dahilan kung bakit pinayagan na ang mga bata. Malaki raw kasi ang maitutulong nito sa nagbukas nang ekonomiya ng bansa. Ha! Ba’t may hanapbuhay na ba ang mga bata?
A alam ko na, pinayagan ang mga bata kasi para magpabili nang magpabili sa kanilang mga magulang…at kain dito at kain doon ng chicken joy. Naniniwala kasi ang IATF na makatutulong ang mga bata sa nagbukas na ekonomiya na matinding pinadapa ng CoVid-19.
E paano iyan kung nahawaan ng virus ang mga bata – sasagutin n’yo ba? Bakit kung kasama ba ng mga bata ang kanilang magulang sa paglabas – pagpunta ng mall ay hindi mahahawaan ng virus? Kalokohan! Oo naintindihan natin na dapa na ang ekonomiya natin pero, huwag naman muna idamay ang mga bata.
Hayaan lang muna natin sa loob ng bahay para mag-aral, maglaro at iba pa at hindi iyong ipapahamak sila sa labas.
Kung sabagay ang bagong age restrictions ay magiging epektibo lamang sa MGCQ areas simula sa 1 Pebrero. Pero ano pa man, tama ba ang desiyon na ito? Hindi po ba sinasabi na ang bata ang madalas nagiging carrier ng virus pero balewala ito sa kanila kaya, paano iyon pag-uwi nila at may senior citizen sa kanilang bahay? Tiyak na mahahawaan sina lolo at lola.
Isip-isip naman po tayo, hindi iyong ipapahamak ang mga bata. Oo nga’t maaaring makatulong sa ekonomiya ang pagpapabili ng mga bata sa kanilang mga magulang pero, paano naman ang susuungin nilang nakamamatay na virus?
Nakapag-jollibee naman ang mga bata kahit hindi sila lumabas ha, nariyan ang takeout. Nandiyan naman ang food deliveries.
Tsk tsk isip-isip naman po. Kaya nga hindi natuloy ang planong face-to-face classes ngayong buwan dahil hindi pa rin matiyak ang seguridad ng mga bata.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan