DINAKIP ng mga awtoridad ang isang 50-anyos lalaki matapos magpaputok ng baril sa labas ng isang convenience store sa lungsod ng Butuan, lalawigan ng Agusan del Norte, nitong Miyerkoles, 20 Enero.
Kinilala ni Police Regional Office 13 (CARAGA) director P/BGen. Romeo Caramat ang suspek na si Noel Salvador, 50 anyos, residente sa Purok 5, Silad, Bgy. Mahogany, sa naturang lungsod.
Nabatid na nakainom si Salvador nang magpaputok ng kanyang baril sa harap ng isang convenience store na matatagpuan sa North Montilla Blvd., corner Rosales St., Brgy. San Ignacio, sa lungsod.
Ani Caramat, bagaman walang naiulat na nasaktan, nagdulot ng pangamba sa mga residente ang isang beses na pagpapaputok ng baril ng suspek.
Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang kalibre .45 barilm may dalawang magasin at 15 baka, at isang basyo ng bala nito.
Kasong Alarm and Scandal at paglabag sa RA 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Act ang kahaharapin ng suspek.