SUGATAN ang isang holdaper matapos manlaban at makipagbarilan laban sa mga awtoridad sa Brgy. Bagong Buhay I, sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng madaling araw, 19 Enero.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Provincial Director ng Bulacan PNP, ang sugatang suspek na si Philip Espellogo, residente sa Brgy. Sta. Cruz 1, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat ni P/Maj. Julius Alvaro, OIC ng SJDM CPS, isang robbery incident ang naganap sa Sampol Market, Brgy. Bagong Buhay I, dakong 4:30 am kamakalawa kung saan biglang nilapitan ng suspek na si Espollogo ang biktima at walang sabi-sabing inundayan ng saksak at saka nagdeklara ng holdap sabay kuha ng pitaka nito.
Nang matunugan ang insidente ng mga operatiba ng SJDM CPS, agad silang nagresponde hanggang masukol ang suspek.
Imbes sumuko sa mga awtoridad, hinablot ni Espollogo ang isang boarder na naninirahan sa katabing apartment at balak gawing hostage ngunit nakawala sa pagkakahawak ng suspek kaya bumunot ng baril para puntiryahin ang mga police operative.
Dahil armado at mapanganib, naging mabilis ang pag-aksiyon ng mga kagawad ng pulisya sa insidente at pinaputukan ang suspek sa paa na ikinatumba nito.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang ang baril ng nasabing suspek ay ginagamit niya sa panghoholdap sa madaling araw sa nasabing pamilihan.
Nakompiska mula sa suspek na isinugod sa pagamutan ang isang kalibre. 45 (Colt) baril, kitchen knife, tirador na may bato, at pitaka na gagamiting ebidensiya.
(MICKA BAUTISTA)