NAKALIGTAS ang isang barangay chairman sa lungsod ng Kidapawan, lalawigan ng Cotabato, nang tambangan ng dalawang hindi kilalang mga suspek nitong Martes ng gabi, 19 Enero.
Kinilala ni P/Col. Ramel Hojilla, hepe ng Kidapawan City police, ang biktimang si Albert Espina, 38 anyos, chairman ng Brgy. Sto. Niño, sa naturang lungsod.
Nabatid na minamaneho ni Espina ang kanyang pickup truck pauwi sa kanilang bahay kasama ang kanyang asawa at anak dakong 7:00 pm, nang harangin sila ng mga armadong lalaki sa madilim na bahagi ng kalsada saka pinaputukan ng isa gamit ang kalibre .45 baril.
Tinamaan si Espina sa kanyang siko at balikat at kasalukuyang nagpapagaling sa isang lokal na pagamutan, habang ligtas at hindi nasugatan ang kanyang mag-ina.
Patuloy na nag-iimbestiga ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng pananambang.