NAGTIPON nitong Martes, 19 Enero, sa University of the Philippines (UP) Diliman campus, sa lungsod ng Quezon ang mga miyembro ng iba’t ibang sektor upang magsagawa ng kilos-protesta laban sa pagsasawalang-bisa ng Department of National Defense (DND) sa UP-DND Accord na nagbabawal sa presensiya ng militar at pulisya sa mga campus ng UP nang walang pahintulot mula sa mga opisyal ng pamantasan.
Kabilang sa mga lumahok sa indignation rally na ginanap sa Quezon Hall ng UP Diliman ang mga grupong League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan.
Dumalo rin sa protesta sina UP President Danilo Concepcion, UP Student Regent Renee Co, at UP-Diliman Chancellor Fidel Nemenzo.
“Nagkamali sila sa pagwawalang-bisa ng accord dahil ang epekto nila ay pinalalakas lamang ang ating pagkakaisa. Hindi tayo aatras sa pagtatanggol sa UP at sa academic freedom,” pahayag ni Nemenzo sa rally.
Matatandan nitong Lunes, 18 Enero, ipinawalang-bisa ng DND ang kasunduan sa UP na nilagdaan noong 1989, na kailangang magbigay ng abiso sa pamunuan ng pamantasan bago makapasok sa mga campus ang mga militar at pulis.
Samantala, dinepensahan ni DND Secretary Delfin Lorenzana ang kanilang desisyon at sinabing nagiging “safe haven” para sa mga kaaway ng estado ang uniberidad.
Nagbabala si UP President Concepcion na ang pagbabasura sa kasunduang may ilang dekada nang kinikilala at iginagalang ay maaaring magkaroon ng masamang epekto imbes mapabuti ang relasyon sa pagitan ng mga institusyon sa bansa.