MUKHANG mali namang sabihing isang sampal kina Piolo Pascual, Maja Salvador, at Catriona Gray ang pagkakasara ng kanilang Sunday noontime show. Nasara iyon dahil mababa ang ratings, hindi pumasok ang mga sponsor at nalulugi na ang producer. Pero maling sabihin na dahil iyon kina Piolo, Maja, at Catriona. Pag-aralan muna kung bakit.
Masikip na ang competition para sa Sunday noontime shows. Wala talagang pag-asa ang ikatlong noontime show kung araw ng Linggo at kahit na anong araw pa. Nauna na iyong GMA 7, na panahon pa ni Kuya Germs ay namamayani na sa Sunday noontime audience. Noon lahat ng tumapat kay Kuya Germs, bagsak din. Tinatapatan si Kuya Germs ng lahat ng malalaking stars, naapektuhan ng kaunti. Pinalitan nila si Kuya Germs, lalong hindi umubra ang bagong show sa ASAP. Tinapatan na naman ng iba ang ASAP, medyo lumaban pero ganoon pa rin.
Pumasok ang TV5 at gumawa ng mas malaking show, on remote pa sa isang truck. Kinuha ang mga dating star ng GMA 7, wala ring nangyari. Hindi rin naka-abante. Ganyan din ngayon, gumawa sila ng isang show tutal ang ASAP ay napapanood na lang sa internet at doon sa ZOE TV na mahina ang signal, eh habit na ng tao iyong basta Linggo ng tanghali sa ABS-CBN sila at sa GMA. Kahit na sabihin mong mga tao rin ng ASAP ang bumuo ng dating show, hindi nila matatangay ang audience.
Kagaya rin iyan noong nag-ambisyong labanan ang apat na dekada nang Eat Bulaga, dahil sinasabi nila wala na ang mga original hosts na sina Vic Sotto at Joey de Leon, na nakakasali na lang via zoom dahil restricted na sila dahil mga senior citizen, at ibinawal na iyon ng IATF. Second stringers ang mga host ngayon ng Eat Bulaga, nakakalaban ang It’s Showtime kahit na nasa internet lamang at sa mas mahinang ZOE TV. Pero naka-abante ba ang bagong noontime show na binuo ng mga dating hosts ng Eat Bulaga? Una, nasa mas mahina pa silang estasyon, at nasanay ang mga tao na ang napapanood lamang doon ay mga religious programs ng Iglesia ni Cristo.
Paano mo aagawin ang audience ng noontime slot?
Napakahirap ng labanan sa noontime slot. Katunayan, mas mahigpit pa ang labanan diyan kaysa primetime. Naglalaban kasi sila sa mas maliit na bilang ng audience.
HATAWAN
ni Ed de Leon