SINASABING 13 senador ang pabor sa panukalang batas ni Senate President Tito Sotto na muling bigyan ng 25 taong franchise ang ABS-CBN. Panay din ang pagbubunyi ng marami nang ihain ni Congresswoman Vilma Santos sa kamara ang isang panukalang batas na naglalayong buksan din ang ABS-CBN, at sinasabing kung iyon ay makaaabot sa plenaryo at hindi papatayin sa committee level gaya ng nangyari noong una, malamang na makalusot din naman iyan.
Pero malinaw ang sinabi ulit ni Presidente Digong. Hindi niya papayagang magbukas ang anumang kompanya kahit na may franchise pa kung hindi mababayaran ang lahat ng utang nila sa taxes. Walang binanggit si Presidente Digong na ang ABS-CBN iyon. Sinabi rin naman ng BIR noon pa na wala nang utang sa tax ang ABS-CBN, pero iginigiit ng ilan na gumamit ang ABS-CBN ng ilang ”legal na paraan para maiwasan ang pagbabayad ng mas malaking tax.” Katunayan, mas malaking tax daw ang binayaran ng GMA na mas maliit na ‘di hamak ang kinita kaysa ABS-CBN. Bakit nga naman ganoon? Hintayin na lang natin kung ano ang mangyayari.
Mas masaya sana kung mas maraming estasyon sa free tv. Marami ang naghahanap sa ABS-CBN.
HATAWAN
ni Ed de Leon