HINDI rin tumagal ang show nina Piolo Pascual na ang akala ng iba ay makakapalit sa ASAP bilang kalaban niyong show sa Channel 7. Tumagal lang sila ng isang season at tapos nga ay tigil na. Noon namang nagsisimula pa lamang iyan, sinasabi ngang si Piolo ay magtatagal lamang ng apat na buwan sa show at tapos ay babalik na siya sa ABS-CBN dahil sa mga sisimulan niyang proyekto.
Kumbaga, parang pinagbigyan lang ni Piolo ang mga dating kasama nila sa ASAP na bagong lipat nga ng estasyon matapos na ipasara ng gobyerno ang ABS-CBN.
Siguro nga iba ang magiging takbo ng kuwento kung ang show ay nagkaroon ng mataas na ratings at pinasok ng mga commercial placements. Pero kahit na nga sabihin mong maganda naman ang show, at mukhang may promise, isang katotohanan na mababa ang audience share niyon at hindi pa mapapasukan ng mga commercial sa malapit na hinaharap. Malaki rin ang kanilang cost of production kaya nga siguro naisip nilang pansamantalang itigil muna ang show.
Mahirap naman kasing ikompara iyan sa ASAP, dahil ang ABS-CBN noong bukas pa ay nagbo-broadcast na ang power ay 150 kilowatts, at bukod doon naka-relay sila sa pamamagitan ng satellite sa napakaraming provincial stations. Natural malaki ang audience share. Iyon namang nilipatan nilang TV5 ay may power lamang na 60 kilowatts at may pitong estasyon ng telebisyon at pitong iba pang affiliates. Natural lang na mababa ang kanilang audience share.
Pero kung titingnan mo ang program quality, lumalaban naman ang kanilang show sa mga kasabayan niyon sa Kapamilya Channel at sa GMA, iyon nga lang dahil mababa ang kanilang broadcast power natatabunan sila ng dalawang mas malalakas na estasyon.
Isa pang dahilan, sinasabing umabot na raw sa P500-M ang naging puhunan ng kanilang producer na blocktimer lang naman sa TV5 at mahirap na nga yatang bawiin kung ganoon kalaking halaga na ang nailabas mo. Bukod doon, ang kanilang producer ay namuhunan din sa isang pelikula sa MMFF na sinasabing ang gastos ay umabot din sa P200-M, pero hindi rin kumita dahil sa internet nga lang naipalabas.
HATAWAN
ni Ed de Leon