HINDI kami naniniwala na ang pakikisuyo lamang ni Ali Sotto sa isang production assistant ng kanilang programa sa radyo para kunin sa gate ng estasyon ang ibinigay sa kanyang sibuyas ang dahilan ng isang malaking pagkakagalit o para mag-resign, o hindi na mag-renew ng kontrata sa DzBB. Palagay namin may iba pang dahilan.
Bakit umabot sa talakan ang usapan nila ni Rowena Salvacion dahil lamang doon? Maliwanag naman kasi na hindi makaaalis si Ali sa radio booth nang dumating ang delivery dahil on air siya. At saka ewan, galing din naman kasi kami sa radyo at kung may ganyang sitwasyon, madali namang makiusap kahit na kanino para makisuyo sa ibang katrabaho, kahit na personal pa iyan, kasi hindi makaaalis ang anchor person sa loob ng booth lalo na nga’t on the air siya.
Natatandaan nga namin noong araw, may isang DJ na kung tuksuhin namin ay “tabo.” Kasi hindi siya makalabas sa booth kung on air siya. Hindi siya makapunta kahit sa CR, kaya lagi siyang may baong tabo para kung sumpungin siya sa pagpunta sa CR, doon na lang muna sa tabo kasi nga bawal lumabas ng both.
Kung ang ginawa ni Ali ay iniwan niya ang booth at kinuha sa gate iyong sibuyas, aba malaking mali iyon. Pero hindi nga eh, nakisuyo siya na kunin para sa kanya dahil hindi nga siya makalabas ng booth. Bakit lumaki ng ganoon ang problema?
Hindi rin maliwanag sa amin kung bakit ang naging desisyon ni Mike Enriquez, boss nila sa DzBB ay sabihan si Ali ng, ”magpalamig muna.” na siyang dahilan umano kung bakit nag-resign na lang siya.
Hindi naman kami sa kani-kanino. Ilang taon na kasing kung umaga, sina Ali at Arnold Clavio ang naririnig mong magkasama. May nabuo na silang chemistry. Nagko-compliment sila kahit na sa palitan ng opinion. Hindi namin minamaliit ang kakayahan ni Salvacion, pero natural na manibago ang listeners, lalo pa nga’t si Ali ay isang personalidad on her own. Bago napasok sa radyo, si Ali ay isa nang aktres at singer pa.
Malaking plus factor iyon, at malaking kawalan sa following ng programa iyong pagkawala ni Ali, lalo pa nga ngayon at pagkatapos ni Mike, wala sa TV ang DzBB, pinapalitan na sila ng anime, at nagbabalik na lang pagkatapos ng palabas na cartoons. Hindi na napapanood sina Arnold at Rowena. Dagok sa kanila iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon