MALUNGKOT si Xian Lim habang ibinabalita na pinagnakawan ang bahay niya. Binasag ang salamin sa bintana, tapos pinukpok ng kahoy ang door lock para mabuksan at natangay lahat ng tv sets, at computers niya gayundin ang iba pang mga gamit. Undisclosed ang kabuuang halaga ng mga nanakaw sa kanya. Gayunman, ipinagpapasalamat na lang niya na walang nasaktan sa mga taong nakatira sa bahay niya. Kasama niya sa bahay ang ermat at lola niya.
Bukod sa kuwento ni Xian, wala pa kaming narinig na follow-up story niyan mula sa pulisya. Maaaring gumagawa pa sila ng imbestigasyon.
Pero marami ang nagsasabi na nangyayari ang mga bagay na iyan, at partly ay maaari ring sisihin ang social media. Dahil sa ginagawang blogs, nagkakaroon ng idea ang mga masasamang loob kung ano ang maaari nilang nakawin sa loob ng isang bahay, lalo na kung mga personalidad na kagaya ni Xian.
Bukod doon, dahil sa pagpo-post nila ng kanilang activities, nalalaman ng mga criminal kung kailan sila wala sa kanilang tahanan, at iyon naman ng tinitiyempuhan ng mga magnanakaw. Hindi maikakaila, iyan nga ang isa pa sa masamang epekto ng social media, mas nagkakaroon ng pagkakataon ang mga masasamang loob na malaman kung ano ang nasa loob ng mga pribadong tahanan.
Kaya nga ang advise ngayon ng mga security consultant, una huwag ilalagay sa social media kung kailan kayo wala sa bahay o kung kailan may outing halimbawa o bakasyon ang buong pamilya. Hindi rin dapat na ilalagay sa social media ang lahat ng inyong personal information na magagamit ng ibang tao para kayo ay gawan ng masama. At lalong mahalaga, huwag hayaang makita sa social media sa pamamagitan ng inyong mga blog o videos ang loob ng inyong tahanan.
Noon siguro hindi natin naiisip ang mga bagay na iyan. Hindi natin naiisip na iyan ay maaaring magamit upang nakawan tayo o gawan nang masama pero nangyayari iyon. Iyang pagnanakaw sa bahay ni Xian ay isa lamang sa mga halimbawa. Marami pa ang nangyayaring ganyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon