GANAP nang batas ang “libreng tuition fee” para sa mga nagnanais na maging doktor sa hinaharap. Ito ay sa pamamagitan ng scholarship program ng pamahalaan.
Good news po ito lalo sa mga magulang na may pangarap na maging doktor ang anak. Hindi lang sa magulang kung hindi lalo sa mga bata o mag-aaral na gustong maging doktor.
Hindi ba tuwing tinatanong natin ang isang bata kung ano ang nais nila maging paglaki, karamihan o marami-rami ang nangangarap na maging doktor?
Katunayan, maraming bata, maging mga magulang na nangangarap sa maging doktor ang kanilang anak pero dahil sa kahirapan ay bigong abutin ng mag-aaral at magulang ang pangarap o ambisyon ng anak.
Obvious po ang dahilan. Hindi biro ang kursong medisina – hindi lang tiyaga ng bata ang kailangan sa pag-aaral na umaabot sa 10 taon kung hindi ang numero unong hamon sa kurso ay budget. Yes, atik ang kailangan. Malaking halaga. Magkano na ba ang isang semester ngayon kasama ang lahat, tuition, libro at other expenses ng mag-aaral lalo kapag sinasabing medicine proper na ang mag-aaral. P100,000 per sem ba? No way, kulang na kulang ito dahil sa simpleng kurso pa lamang ay kulang na rin ang nasabing halaga.
Marahil ang per sem na siguro sa medicine proper (kasama na ang lahat ng gastusin ha) ay aabot ng less than P500,000 sa isang pribadong kolehiyo o unibersidad. Anyway, correct me if ‘am wrong sa halaga.
Wow, kung sakaling umaabot nga sa ganitong halaga o P300,000 per sem, hindi po biro ito. Saan naman kukunin ng mga kapos palad na magulang ang halaga o maging ang mga mag-aaral na sisikapin din ang lahat para masuportahan ang pagdodoktor. Kahit nga scholar pa ang bata sa pribagong kolehiyo/unibersidad, kailangan pa rin ng magulang ng malaking halaga.
Pero ngayon, matapos maging ganap na batas ang libreng pagdodoktor, marahil maraming bata ang makaaabot ng kanilang pangarap na maging isang doktor. Sana nga. Hindi lang ang bata ang matutuwa kung hindi maging ang kanyang magulang.
Ang gobyerno ang magpapa-aral sa bata – iskolar siya ng estado. Libre ang kanyang pag-aral sa mga state university o colleges na pinatatakbo ng pamahalaan na mayroong kursong medisina. Habang sa mga lugar na may state universities na walang kursong medisina, sila ay paaaralin pa rin ng pamahalaan – ipapasok sila sa private universities sa kanilang lugar na may kursong medisina.
Good news na good news ito sa mga nangangarap maging doktor. Pangarap ko nga rin na maging doktor si Bunso pero, siyempre naroon pa rin iyong…saan ko naman kukunin ang budget para sa kursong ito? Pero tayo naman ay nananalangin na kung ito ay naaayon sa Diyos, naniniwala tayong He will provide everything.
Well, kung titingnan, masasabing answered prayer na ang pangarap ng maraming magulang para sa anak na maging doktor – oo, marahil ito na ang kasagutan, ang aprobahan ang “libreng pag-aaral” ng mga nais maging doktor. Sa pamamagitan ng scholarship ng pamahalaan.
Pero siyempre, may kondisyon sa programang ito. Natural lang. Isa rito, kapag naging ganap nang doktor ang iskolar, kailangan munang maglingkod sa bayan katumbas ng ginastos ng pamahalaan sa kanyang pag-aaral. Kapag lumabag, babayaran ang lahat ng ginastos sa kanya ng gobyerno. Dapat lang.
Anyway, magandang balita ang panibagong batas, sana ay maipatupad nang maayos. Hintayin lamang muna natin ang kompletong regulasyon para sa scholarship program na ito ng pamahalaan.
O tatay, tatang, itay, ama, nanay, nanang, inay, puwede nang maging doktor ang ating mga anak. Salamat po Panginoon sa batas na ito.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan