MATAPOS na iharap ni Senate President Tito Sotto ang Senate bill 1967, na naglalayong bigyan ng panibagong 25 year franchise ang ABS-CBN, sinabi naman ni Congresswoman Vilma Santos na magsusumite rin siya ng isang parallel bill, katulad na panukala bago magbukas ang House of Representatives sa Enero 18.
Ang franchise ay ipinagkakaloob ng kongreso sa pamamagitan ng lower house, pero kailangan din ang isang batas para pagtibayin iyon ng senado. Noon pa mang una, sinasabi ng mga senador na walang problema at lulusot iyon sa senado. Pero ang panukala ay mabilis na pinatay sa lower house sa committee level pa lamang. Hindi iyon umabot sa plenaryo. May nagsasabing kung iyon ay umabot sa plenaryo at napag-usapan ng lahat ng mga congressmen, posibleng makalusot iyon.
Kung natatandaan ninyo ang botohan sa house ay nagkaroon ng 70-11-1 na resulta, ibig sabihin mahigit na 80 lamang ang bumoto sa desisyong iyan. Ang plenaryo ng house, o ang kabuuan ng house ay mayroong 304 na miyembro. Ngayon iyon nga ang sinasabi nila, pipilitin lang nila na makarating sa plenaryo ang bill ni Ate Vi para ang gumawa ng desisyon ay ang kabuuang bilang ng mga congressmen. Inaasahan nilang possible iyan ngayon dahil nagpalit na ng liderato ang house.
Kung totoo man na si Presidente Digong ang ayaw sa ABS-CBN, maaari niyang i-veto ang panukalang batas na dadalhin din naman sa kanya. Ang ginawa kasi ng mga congressmen noong una, dahil alam nilang galit ang presidente sa ABS-CBN, pinatay na nila ang franchise sa level pa lang nila para hindi na umabot sa presidente.
Hindi lang kasi minsan sinabi ni Presidente Digong na haharangin niya ang franchise ng ABS-CBN, at pinayuhan pa niya iyon na ibenta na lang ang network sa ibang owners para makapagpatuloy.
Sinasabing ngayon, dahil sa halos isang taon nang lockdown dahil sa pandemya, at sa sunod-sunod na nangyayaring kalamidad, marami ang nagsasabing naiwasan sana ang mas malaking pinsala kung mabilis na naikalat ang impormasyon, na dati ay nakukuha nila sa ABS-CBN dahil sa malawak nilang radio at tv network.
May nagsasabi ring sana, nabawasan ang pagkaburyong ng mga tao sa lockdown kung napapanood ang mga entertainment show ng ABS-CBN. Hindi mo naman kasi mapanood nang maayos sa mga dispalinghadong serbisyo ng internet sa Pilipinas.
Lulusot ba ang franchise ng ABS-CBN, o kailangang maghintay pa ng susunod na congress at susunod na pangulo ng Pilipinas?
HATAWAN
ni Ed de Leon