HAPPY New Year! Happy nga ba ang pagpasok sa inyo ng bagong taon, ang 2021? Dapat lang sapagkat, isa itong malaking pagpapala mula sa ating Panginoong Diyos. Hindi lamang ang 2021 kung hindi maging ang nagdaang taon, 2020.
Bagamat, halos ang buong 2020 ay pandemic year, dapat pa rin natin pasalamatan ang Panginoong Diyos dahil sa hindi Niya tayo pinabayaan sa kabila ng lahat ng pagsubok…hanggang ngayon – pandemic man o hindi.
Bago na ang taon pero nariyan pa rin ang kinakatakutan natin, ang patuloy na bantang CoVid 19. Bagama’t mayroon na umanong bakuna – bakuna na kasalukuyan pang inoobserbahan ang bisa sa tao.
Salamat po Lord sa dunong na ibinigay ninyo sa mga dalubhasa ng medisina na gumawa ng bakuna mula sa iba’t ibang kompanya ng mga gumagawa ng gamot. At siyempre, salamat sa patuloy na proteksiyon habang hinihintay namin O Mahal na Panginoon ang bakuna para sa bansa.
***
15 Marso 2020, ang lahat ay natakot at talagang nakaalalang kumapit sa Panginoong Diyos. Sa araw na ito, halos tumigil ang pag-ikot ng mundo lalo nang inilagay sa lockdown quarantine ang buong bansa o ang buong mundo. Nakita natin na pantay-pantay ang lahat, walang mayaman o mahirap…kahit sinong makapangyarihan sa mundo, bansa man o maimpluwensiyang tao ay walang nagawa – maging sila ay lumapit at nanalig sa Diyos.
Sa pangyayari (hanggang ngayon), nakita natin ang patunay na ang tanging may kontrol ng lahat ay ang Panginoong Diyos. Ipinakita Niya na Siya lamang ang tunay na makapangyarihan o ang may kontrol sa mundo. Pero naramdaman naman natin na sa kabila ng pagsubok ay nariyan sa tabi natin ang Panginoon. Hindi Niya tayo pinabayaan.
Oo nga’t may mga nawalan ng mga mahal sa buhay, nawalan ng trabaho dahil sa pandemya pero, ‘ika nga God’s plan is perfect. Nawalan ka nga trabaho pero araw-araw naman hindi ka Niya pinabayaan…hanggang ngayon, 2021 na. Hindi ba?
Natapos ang 2020, nariyan o narito pa rin ang virus ngunit tandaan na higit na mas malakas o makapangyarihan ang Panginoon kaysa kinakatakutang virus…at sa tamang panahon o sa Kanyang panahon “In His Time,” mawawalang kusa ang virus. Patuloy lang tayong kumapit at manalig sa Kanya, ano man ang naranasan sa nagdaang taon – kahirapan man iyan o ano, ang lahat ay pagsubok pero alalahanin na mas maraming pagpapala sa buhay kaysa pagsubok o sa kabila ng pagsusubok ay pagpapala.
***
Naalala ko tuloy, isang araw, ilang araw bago magbagong taon, 2021 habang nagja-jogging ako, binati ko ang isang nakasalubong kong nakilalang jogger: “Happy New Year!”
Nalungkot ako sa kanyang tugon…”Salamat naman at matatapos na ang malas na taon…” Wow! Nakalulungkot ang kanyang sagot. Ba’t naman malas na taon. Sabi niya, dahil sa pandemya. Pero sa nakikita ko naman sa kanya – sa katayuan ng kanyang pamumuhay – buong pamilya niya ay hindi naman hirap o naghirap sa pandemya lalo na ang kanyang kalusugan at iba pa.
Habang tumatakbo kami… “Bro, walang malas na taon. Ang bawat taon na bigay ng Diyos ay masuwerte o lagi tayong pinagpapala. Ang paggising pa lamang sa umaga ay malaking pagpapala na…etc etc etc…”
Heto naman ang naging tugon niya: “Kung sabagay, totoo naman bro. simula ng pandemya ay hindi Niya kami pinabayaan. Salamat bro sa pagpapaalala ha.” Hayun, hanggang ngayon araw-araw kaming tumatakbo pa rin at nagpapasalamat sa Panginoon sa bawat lakas na ibinibigay Niya sa amin. Kapwa nasa edad 55 anyos na kami pero nakatatakbo pa rin ng hanggang 15-20 kilometers araw-araw. Thank you Lord.
Yes mga kaibigan, wala pong malas na taon…ano man ang mga inakala nating ‘malas’ ay isang pagsubok lang po…sa likod naman ng pagsubok ay pagpapala.
Bawat taon po ay isang Happy New Year!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan