KAPAG nagkataon, isang babae ang susunod na magiging pangulo ng Filipinas.
Sa katauhan ni Senator Grace Poe at ni Davao City Mayor Sara Duterte, ang pukpukang labanan ng dalawang politikong ito ay inaasahan sa nakatakdang eleksiyong pampanguluhan sa 9 Mayo 2022.
Bagamat masasabing may bentaha si Sara dahil sa malawak na makinarya at organisasyon, hindi naman matatawaran ang pinanghahawakan ni Grace na nakasandig hanggang sa ngayon sa solidong suporta ng mga nagmamahal sa kanyang amang si Fernado Poe, Jr.
Ipinakita ni Sara ang lakas ng kanyang partidong Hugpong ng Pagbabago nang manalo ang mayorya ng kanyang mga kandidatong senador, at ipinakita rin naman ni Grace ang kanyang lakas nang pumangalawa sa senatorial race kahit siya ay independent candidate.
Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa nitong 23 Nobyembre hanggang 2 Disyembre, nanguna si Sara sa mga iboboto bilang pangulo na nakapagtala ng 26 percent.
Sinundan ito ni Grace at ni dating Senator Bongbong Marcos na nakapagtala ng 14 percent, at Manila Mayor Isko Moreno ng 12 percent. Si Senator Manny Pacquiao ay nakakuha naman ng 10 percent at si Vice President Leni Robredo ay mayroong 8 percent.
At dahil sa kaalyado nina Bongbong at Manny si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, malamang na magkasundo na lamang na tumakbo ang isa sa kanila bilang Vice President ni Sara.
Si Leni, kahit sabihin pang kulelat sa survey ng Pulse Asia, tuloy ang laban nito sa pagkapangulo bilang nag-iisang pambato ng Liberal Party. Obligadong magkaroon ng kandidato ang LP para hindi naman masabing patay o inilibing na ang kanilang partido.
Magandang laban ang Grace versus Sara sa May 9, 2022 presidential elections. Makinarya ng administrasyon laban sa lakas ng supporters ni FPJ. Kung magtatagumpay si Sara, maipapakita nilang suportado pa rin ng taongbayan ang kanyang ama na si Digong.
At kung mananalo naman si Grace, maipamumukha niya sa kanyang mga kalaban na buhay ang alaala ni FPJ at hindi pa rin ito nililimot ng kanyang mga supporters. Ang lakas ni Grace na nakasalig kay FPJ ay mapatutunayan sa darating na pampanguluhang eleksiyon.
Kaya ngayon pa lang, pag-isipan nang mabuti nina Bongbong, Manny, at Isko ang binabalak nilang pagtakbo bilang presidente dahil talagang mahirap manalo sa pampanguluhang karera lalo na kung sina Grace at Sara ang kanilang makakalaban.
Sayang lang ang pera at pagod kung alam naman nilang hindi sila lulusot at matatalo lang sa presidential race.
SIPAT
ni Mat Vicencio