NATAWA kami roon sa nakita namin na kaya raw flop ang pelikula ni Congressman Alfred Vargas ay dahil binoykot iyon ng mga die hard followers ng ABS-CBN na nagalit sa kanya nang mag-abstain siya sa halip na bumoto pabor sa pagbibigay ng franchise sa estasyong ipinasara dahil sa sama ng loob ng presidente.
Eh bakit iyong iba, maski na iyong pelikula na ginawa ng subsidiary ng ABS-CBN, na naglabas na nga ng putotoy at lahat ang bida, flop din naman eh. Lahat sila sa festival flop dahil nasa internet lang sila. Iyong mga talagang nanonood ng sine, hindi magtitiyaga iyan sa internet. Una maliit ang screen. Ikalawa, ang sama ng serbisyo ng internet dito sa atin, paputol-putol ang panonood mo, magbabayad ka pa. Iyon ang dahilan kung bakit lahat sila flop, hindi lang naman si Alfred at lalong hindi iyon dahil sa boycott ang mga die hard sa ABS-CBN.
Huwag na ninyong idamay iyong nananahimik sa network sa mga ganyang tsismis.
HATAWAN
ni Ed de Leon