HINDI lang pala ngayon nasangkot sa isang kaso ang pulis na pumaslang sa mag-ina sa Tarlac. May kaso na pala iyang homicide rati, pero nakaligtas lang dahil “kulang sa ebidensiya.”
Ngayon wala nga siguro masasabing kakulangan ng ebidensiya dahil may video pa ang buong kaganapan ng krimen. Isa iyong marahas, hindi makataong pagpatay sa walang kalaban-laban. Iyang krimen na iyan ay usap-usapan kahit na sa buong showbusiness sa ngayon. Kung pakikinggan mo ang mga artista, lahat sila ay pabor na ngayong ibalik ang parusang bitay at may nagsasabi pang “unahing bitayin ang pulis na iyan.”
Pero para kay Congresswoman Vilma Santos, hindi tama ang ganoon.
“Nakakulong na siya ngayon at double murder ang kaso, walang piyansa iyan. Hayaan nating ang korte ang magbigay ng hatol sa kanya. Hindi naman dahil sinasabing hindi makatao ang ginawa niya, gagawa rin tayo ng mga hakbang na hindi makatao. Hanggang ngayon sinasabi ko, hindi ako pabor sa death penalty. Inalisan ako ng committee chairmanship sa congress dahil diyan. Pangangatawanan ko iyan.
“Ano ba ang masakit, hatulan siya ng kamatayan sa lethal injection o kahit na sabihin mong silya elektrika pa, o iyong nakakulong siya sa panahong malakas pa ang katawan niya, manatiling nakakulong at alam naman ninyo sa loob, baka natutulog ka puwedeng may pumatay na lang sa iyo. Hindi mo masabi iyan. Hindi mo rin masabi kung paano ka mamamatay, hindi ka naman makakapili. Mas mabigat iyon sa damdamin at kung dumating man ang panahon na makalaya siya, sigurado ako basta natikman niya ang buhay bilibid hindi na siya uulit pa,” sabi ni Ate Vi.
“At saka nasa tao iyan eh. Ilang libo ba ang mga pulis. Noong governor pa ako ng Batangas, ilang libong pulis din mayroon kami, at lahat iyon bukod sa training nila, dumadaan iyon sa psychological tests. Siyam na taon akong governor. Siyam na taon akong mayor ng Lipa. Ngayon pangalawang term ko nang congresswoman, pero wala akong narinig na ganyan sa amin. Matitino ang pulis sa Batangas. Kaya ang tingin ko, isolated case pa rin iyan,” sabi pa ni Ate Vi.
Mukhang may katuwiran naman ang congresswoman.
HATAWAN
ni Ed de Leon