NATAWAG ang aming pansin niyong trailer ng The Boy Foretold by the Stars. Noong una ang narinig namin, iyang pelikulang iyan ay isang “gay story,” ibig sabihin love affair ng gays. Siguro sabi nga namin, nauuso kasi eh, lalo na nga sa mga palabas sa internet, na sinasamantala naman ng iba dahil hindi iyon nasasakop ng MTRCB at nakagagawa sila ng mga panooring medyo mahalay.
Ngayon basta sinabi mong BL, umasa ka na may halong kahalayan iyan.
Pero nagulat kami sa sinabi ng director ng The Boy Foretold by the Stars na si Dolly Datu, walang bahid ng kahalayan ang kanyang pelikula. Inamin niya na may kissing scene, eh ano nga ba naman iyong halik eh sa ngayon naman ay naghahalikan sa simpleng pagbati lamang, kung hindi nga lang pati iyon ay ibinawal ng IATF dahil baka magkahawahan sa Covid. In fact, dumaan sa MTRCB ang kanilang pelikula, at ang ratings niyon ay G, maaaring panoorin kahit na ng mga bata. Hindi lamang dahil walang kahalayan, kundi dahil walang maling paniniwalang ipinakita sa pelikula.
Ibig sabihin, makagagawa naman pala ng BL na hindi mahalay. Sa tingin namin ang mga ganyang klaseng pelikula ang nagpapakita ng respeto sa mga kasapi ng LGBTQ. Iyong mga bakla serye na may kahalayan, binabastos na lalo ang mga LGBT na para bang manonood lang ang mga iyon kung makakapamboso. Para bang nanonood lang sila ng pelikula para makakita ng hubad na lalaki. Kung ganoon ang pagkakakilala sa LGBT, walang respeto iyon.
Hindi kami sa kani-kanino, pero may mga pelikulang talagang nagpo-promote gamit ang kahalayan. Pinaghuhubad ang mga artista. Mapapansin mo pa sa mga kuwento nila ay puro karanasan at kung ano ang magagawa sa sex ng kanilang mga artista. Pati hitsura ng pribadong bahagi ng artista ginagawa pang publisidad. Puro kahalayan eh.
Magandang example iyang The Boy Foretold by the Stars. Ipinakita lang nila na makagagawa pala ng isang makatuturan at hindi balahurang gay movie. Iyan ang dapat nilang panoorin, may respeto sa kanila.
HATAWAN
ni Ed de Leon