LALAGYAN ng mas maraming super health centers ang iba’t ibang bahagi ng lungsod ng Maynila.
Pahayag ito ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna sa pormal na pagbubukas at pagpapasinaya ng Tondo Foreshore Super Health Center & Lying-In Clinic sa Tondo.
Sina Moreno at Lacuna ay sinamahan ni Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan sa nasabing seremonya ng pagbukas ng kauna-unahang super health center.
Kaugnay nito, hinikayat ng mga punong opisyal ng lungsod ang mga residente na samantalahin ang libreng healthcare services.
Pinasalamatan ni Moreno ang SM Foundation, at sinabing hindi gumasta ng kahit isang sentimo ang pamahalaang lokal para sa proyekto.
Pinuri rin ng alkalde si Pangan dahil sa pagtatayo ng super health center sa kanyang pagsisikap at MALASAKIT sa Manileño.
Nabatid kay Moreno na hindi lamang malaki ang Tondo super health center, ito ay episyente rin at nagtataglay ng sapat na mga kagamitan para sa mabilisang tugon sa mga nagdadalang tao.
Kaugnay nito, sinabi ni Lacuna, ang nasabing center na kanilang binuksan ni Moreno ay may specialty clinics para sa family planning, women’s wellness, adolescent counselling, animal bite, at laboratory. Mayroon din itong play area at pharmacy na pawang libre lahat.
Ayon pa kay Moreno, batid niya ang kahalagahan ng health centers lalo sa mahihirap na hindi kayang bumili ng mga pangangailangang medikal o makakuha ng pangunahing serbisyo medikal.
(BRIAN BILASANO)