MASAYA si Cong. Vilma Santos sa mga balitang nagsisimula na ang pagbabakuna sa ibang bansa laban sa Covid-19, dahil ibig ngang sabihin niyan ay mababawasan na ang pandemya. May mga nababalita rin na kahit na wala pang legal na pagbabakuna sa Pilipinas, may ibang nabakunahan na rin sa mga pribadong klinika na nag-aalok nito mula sa ibang bansa, pero siyempre mataas ang presyo niyon. Pero kung mayaman ka naman at may pambayad, at gusto kong mapanatag kahit paano ang loob mo, papayag ka na.
Pero sinabi ni Ate Vi, hindi pa siya magpapabakuna.
“Nakatutuwa na mayroon nang vaccine, pero hindi tama na unahan natin ang mga safety protocols. Habang hindi pa approved iyan at napatutunayan ng ating gobyerno na ok iyan, mahirap na. May nangyari na sa atin sa paggamit ng bakuna na hindi pa tapos ang pag-aaral, at marami ang napahamak. Kaya dapat hintayin natin iyong talagang sigurado na ang bakuna bago tayo patusok.
“Mayroon pang nakitang allergy sa mga unang ginamit na bakuna sa abroad. Tapos hindi ba sa Europe may nakita na sila ngayong bagong variation ng Corona Virus, at ibig sabihin niyan ibang gamot na naman ang kailangan para riyan. Hindi pa nga nila alam kung paano nag-evolve at kung saan galing, kaya kailangang hintayin muna natin kung ano ang magagawa roon. Basta ngayon, ang magagawa lang natin mag-ingat at huwag na munang labas nang labas ng bahay,” sabi ni Ate Vi na talagang sa ngayon ay hindi lumalabas ng bahay.
Pero ano ng inaasahan niya sa 2021?
“Hindi natin masasabi kung ano. Depende riyan sa bakuna na iyan. Diyan naka-depende pati ang pagbabalik ng industriya at ekonomiya natin sa normal. Sa ngayon sinasabi nila, mas marami ang mahirap ang buhay. Pero kailangan siguro magtiis tayo ng kaunti dahil ang mahalaga, hindi na tayo magkakasakit. Kung magpipilit tayo at magkasakit pa, mas mahirap iyon,” sabi ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon