WALA nang jueteng sa southern Metro Manila partikular sa Muntinlupa, Las Piñas at Parañaque. Ilang linggo na rin tumigil ang operasyon ng “137” sa mga lugar. Bakit?
Sinalakay at pinaghuhuli kasi ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at National Bureau of Investigation (NBI). Dapat lang, kasi ilegal nga naman.
Hayun, sa pagsalakay noon ng mga awtoridad ay 48 gambling personnel ng bangkang si Sonny Tang ang inaresto at siyempre, kinasuhan. Ang resulta’y, tinakbuhan ni Sonny ang kanyang mga tauhan at hindi pinangsiyahan. Kawawang mga kobrador at iba pa.
Nakapagsiyansa na rin ang iba – sariling bulsa ang pinanggalingan habang may mga nakakulong pa rin dahil walang pangpiyansa?
Naku po, kawawa ang mga pobre, hinayaan ng kanilang bossing. Ano pa man, makalalabas din kayo. Mangutang na lamang kayo kaysa…baka mahawaan pa kayo ng CoVid sa loob ng selda.
Nakatutuwa naman ang balitang wala nang jueteng sa southern Metro Manila – malinis na kung baga sa ilieal na sugal pero, ano naman itong impormasyon na nakarating sa inyong linggo. Ano iyon? Lumayas nga raw si Sonny pero, masasabi rin walang kuwenta. Ha! Bakit?
Heto ang siste, sa pagpapalayas kay Sonny ay mayroon bangkang pumalit. Ano!? Totoo ba ito? Lumayas nga si Sonny para tigil na ang jueteng sa lugar pero mayroon naman bagong salta.
Ha ha ha! Nakatatawa naman.
Yes, may bagong pasok na bangka sa katauhan ng isang alyas Nadame Reyna. Reyna? Oo reyna ng jueteng daw kasi sa lalawigan ng Laguna. Kilalang maghu-jueteng si Madame Reyna sa Laguna. Tawag nga rin sa kanya ay “Tita Laguna.”
Tita Laguna man iyan o Madame Reyna, well wala tayong paki sa pangalan, sa halip ay malinaw na bumalik ang operasyon ng jueteng sa southern Metro Manila. Hayun, namamayagpag na nga ang jueteng ni Madame Reyna. Kinopo niya ang mga dating lugar na nasasakupan ni Sonny. Meaning, ang operasyon ng jueteng ni Madame Reyna o Tita Laguna ay Muntinlupa, Parañaque at Las Piñas.
Ang tanong, paano nakapasok sa southern Metro Manila si Madame Reyna o Tita Laguna? Hindi naman basta-basta na lamang na magpapatakbo ng jueteng sa lugar. Hindi po ba? Paano nga ba? Kailangan pa bang i-memorize iyan. Ha ha ha!
Hindi naman kayo isinilang kahapon lang my dear beloved readers, kaya alam na ninyo siguro kung bakit nakapasok ang jueteng “137” ni Tita Laguna sa southern Metro Manila. Tulad nga ng nauna kong nabanggit, kailangan pa bang i-memorize iyan.
Anyway, hindi makapapasok sa Metro Manila ang bangkang si Madame Reyna o Tita Laguna kung walang nagbigay basbas sa kanya para magpatakbo ng jueteng sa mga nabanggit na lugar. Sino sa tingin ninyo? Hahaha, lumayas nga si Sonny Tan pero may pumasok naman na kapalit ang mama.
Mas malaki ba ang ‘bid’ ni Madame Reyna kay Sonny? Hahahahaha!
Nakarating na ba sa kaalaman ni NCRPO chief, Director Vicente Danao ang hinggil sa jueteng ni Madame Reyna/Tita Laguna?
Malaman na…kapag makarating ito sa kaalaman ni Danao, tiyak na kanyang ipasasalakay. Abangan!
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan