PARA sa halos 10 milyong Filipino na nagtatrabaho at nakatira sa ibang bansa, ang agarang suspensiyon sa pagtalakay ng mga panukalang batas na naglalayong magtayo ng isang kagawaran na tutugon sa problema nila ay nangangahulugang binalewala ng ilang mga Senador ang mga problemang kinakaharap ng overseas Filipino workers (OFWs).
Matagal nang natulog ang mga panukalang ito sa Senado sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap ng Pangulo sa Kongreso sa kanyang State of the Nation Address (SONA) at ilang pampublikong pagtitipon.
Noong 11 Marso 2020, naipasa sa Kamara ang Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment bill na isa sa pangunahing may akda ay si dating Speaker Alan Peter Cayetano. Naging prayoridad ang nasabing bill sa Kamara noong panahon ni Cayetano bilang Speaker, tila kabaliktaran ang sinapit nito sa Senado.
Nagdaos ng unang hearing nitong 7 Disyembre ang Committee on Labor and Employment, Foreign Relations at Finance para pag-usapan ang Department of Filipino Overseas bill kaya’t biglang nabuhayan ng pag-asa ang mga OFW na naghihintay ng aksiyon ng Senado sa naturang bill.
Nagulantang ang maraming grupo ng OFWs nang nagdesisyon ang mga naturang Committee pagkatapos ng halos isang oras pa lamang na pagdinig sa bill na isuspende ang pagtalakay dahil sa motion na iminungkahi ni Senador Franklin Drilon.
Ayon kay Senador Drilon, hindi pa raw napapanahon para pag-usapan ang mga nasabing panukala dahil sa kawalan ng pondo ng gobyerno at pandemya sa ngayon at dapat daw unahing talakayin ang “Rightsizing Bill” bago pag-usapan ang pagbuo ng bagong kagawaran. Ipinasa sa Senate Committee on Rules ang nasabing mga panukala para pag-aralan kung ito ay maisasama sa mga dapat iprayoridad.
Hindi ba’t mas matagal talakayin ang “Rightsizing Bill” dahil ang nasasakop nito ay higit sa 180 ahensiya ng gobyerno? Dahil halos 2 milyong kawani na ang nagtatrabaho sa gobyerno sa ngayon, layon ng bill na pigilan ang patuloy na paglobo ng bureaucracy dahil nagiging magastos na raw ito taon-taon. Mukhang kukulangin ang termino ni Pangulong Duterte sa pagtalakay ng Rightsizing Bill dahil masalimuot ito.
Sadyang nakalulungkot ang desisyong ito at parang sampal sa mukha ng milyon-milyong OFW na nakaranas ng hirap bago pa kumalat ang coronavirus at mas lumala ngayong panahon ng pandemya.
Nagtataka ang mga nakausap nating OFWs kung bakit sa tingin ng ilang Senador ay napakaayos ng kasalukuyang set-up ng mga ahensiya ng gobyerno. Tila nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang ating mga Senador na malaki ang problema na hiwa-hiwalay ang mga ahensiyang nag-aasikaso sa mga problema ng OFWs.
Sa totoo lang, ang makipagtransaksiyon sa isang opisina ng gobyerno lamang ay napakahirap na pero ang mga OFW ay kailangang pumunta sa ilang ahensiya mula sa kanilang pag-alis at kung magkaroon sila ng problema sa ibang bansa hanggang sa kanilang pag-uwi.
Kung tunay na may respeto at malasakit ang ating mga butihing Senador sa mga tinatawag nilang “bagong bayani” sana ay hinimay na nila muna ang mga isyu at problemang kinakaharap ng mga OFW.