INABSUWELTO ng Sandiganbayan ang Director III ng Legal Services ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Atty. Oscar Dominguez Abundo sa kasong graft.
Batay sa desisyong inilabas ni Sandiganbayan Sixth Division Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang noong 4 Disyembre 2020, nakasaad na bigo ang prosecution na patunayan na nagkaroon ng pagpabor si Abundo sa pagpapalabas ng pondo para sa General Santos City – Koronadal Road at pumabor sa pamilya ni Mohamad Bin Abdurasak.
Sinampahan ng kaso si Abundo ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagpapalabas umano ng pondo at pagbabayad ng mahigit P24 milyon sa maling road project noong 2001.
Ngunit lumitaw na nagkaroon ng kalitohan at agad ipinaalam ni Abundo sa noo’y kalihim ng DPWH na si Sec. Simeon Datumanong.
Nakasaad sa desisyon na karapatan ng pamilya ni Mohamad Bin Abdurasak na mabayaran alinsunod sa proseso at dokumento na isinumite bagamat unang nagkaroon ng kalitohan o pagkakamali sa pangalan ng road project.
Si Abundo ay kinatawan nina dating IBP Governor for Greater Manila Atty. Jose Icaonapo, Jr., at Atty. Edepigo Litong ng Icaonapo Litong Geromo and Associates Law Office.