SUPPOSEDLY ang radio frequency identification (RFID) stickers ay magpapabilis ng daloy ng mga sasakyan sa expressways, kasi nga hindi na kailangan dumukot pa o huminto ang isang sasakyan sa toll gate para magbayad.
Pero hindi rito sa Filipinas.
Dito, pagdaan sa toll gate kailangan dahan-dahan para matiyak na mababasa ng RFID ang sticker ng sasakyan, kung hindi, tiyak na hindi aangat ang barrier. Kapag hindi umangat ang barrier sa toll gate, normal na resulta nito na mag-imbudo ang mga sasakyan, kaya mag-uumpisa nang tumigil o bumagal ang traffic.
Bukod pa riyan, maraming motorista ang nalilito dahil parang ‘see-saw’ na taas-baba, baba-taas ang balanse sa kanilang RFID. Hindi tuloy nila malaman kung kailan sila magdadagdag ng pondo.
Isa pang objective ng RFID supposedly, ay maging cashless transactions nga raw ang pagbabayad sa toll gate nang sa gayon ay maiwasan ang physical contact na isa sa malakas makapagpasa ng virus.
Pero, hindi rin nga nangyayari, mas madalas napipilitang huminto nang matagal ang motorista kasi nga mukhang hindi ganoon ka-efficient ang service provider ng RFID dito sa Filipinas.
Napakahina kasi ng sensor. Hindi maka-detect nang mabilis.
Malakas pa ang sensor ng comfort rooms sa Ayala malls. Kapag nasa loob ka ng CR ng Ayala Malls, bawat galaw ay nasasagap ng sensor kaya flush nang flush ang inodoro.
Hindi tuloy natin maiwasan na maikompara sa ibang bansa ang RFID natin.
Sa ibang bansa, lalo sa Hong Kong at Singapore, hindi
kailangan huminto ang mga sasakyan pagpasok sa expressways.
Mabilis at malakas ang sensor ng RFID sa kanila. Kaya dere-deretso ang biyahe ng mga sasakyan.
Ganon din naman sa iba pang mga bansa sa Asia.
Sa US naman walang toll fee ang mga highway o expressways.
Tinanong ko nga ang isang Kano na nakausap ko roon: Why America doesn’t have toll fee? Ang sagot niya: “Why do we need to pay toll fees? We are paying taxes.”
Oo nga naman. Saan nga naman napupunta ang buwis na ibinibayad nating mga Filipino? Bakit lahat ng expressways ay kailangang magbayad ng toll fee?!
Hindi ba’t mayroon na tayong road users tax? Saan napupunta iyon?
Kapag gumagawa naman ng mga kalsada, ang ginagamit ay pondo mula sa taxpayers’ money pero sasabihin inutang daw iyon sa mga international financial institutions.
Again, saan napunta ang taxes natin?
E kasi raw ang expressways sa Filipinas ay pag-aari ng mga pribadong kompanya.
Asus!
Kaya maraming dayuhang turista ang nagtataka kung bakit maya’t maya raw ay may toll fee. Lalabas sa isang expressway tapos papasok ulit, tapos panibagong bayad na naman.
Only in the Philippines talaga!
Paulit-ulit ang pagbabayad. Bakit hindi puwedeng gawing isa na lang? E kasi nga iba-iba ang may-ari ng expressways lalo sa mga lugar sa Central Luzon at sa North Luzon.
Nariyan ang Metro Pacific Tollways Corporations na nahahati sa MPT North, MPT South, at MPT VizMin. Ang South Luzon Expressways ay pinamamahalaan din ng Malaysian Group na MTD Berhad. Kung hindi tayo nagkakamali pasok na rin ang SM companies sa tollways operations sa bansa.
Tsk tsk tsk…
Nakita n’yo naman, maging highways and expressways, sila-silang malalaking kompanya na lang din ang nagmamay-ari at naghahati-hati.
Isang araw talaga, hindi ako magtataka kung maging ang hangin na ating ‘hinihinga’ ay may bayad na.
Sino ba ang umaayaw sa RFID? Wala naman ‘di ba? Gusto rin ng mga motorista ‘yan lalo’t mapabibilis ang biyahe.
Ang siste nga, hindi nangyayari ‘yung layunin ng RFID na mapabilis ang transaksiyon. At sa maraming kaso, RFID ang dahilan kung bakit nag-imbudo ang sasakyan sa toll gates.
E noong nakaraang araw lang, nabuwisit si Mayor Rex Gatchalian sa operator ng NLEX. Kaya nang malaman na expired ang permit to operate ng NLEX sa Valenzuela City ay ipinasara niya ang anim na toll gates na nasa kanilang teritoryo.
Aba, hindi na nagbayad ang mga motorista, bumilis pa ang biyahe nila at hindi naimbudo sa toll gate ang traffic ng mga sasakyan.
O e ‘di maliwanag na ‘yang palpak na RFID ang pinagmumulan ng pagkakabinbin sa highways or expressways ng mga sasakyan?!
Bakit kasi inia-apply agad ang isang sistema na hindi pa nape-perfect? At ginagawang “trial and error” sa mga nagbabayad na kliyente?!
Sana kung hindi pa perfect ang sistema, ‘wag silang maningil sa mga motorista.
Dapat nga isauli nila ang bayad ng mga motoristang naprehuwisyo ng RFID.
NLEX, SLEX at iba pang highways, magbayad naman kayo ng daños prejuicios sa mga naabala ninyong motorista!
Moderate your greed!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com