ILANG ‘butiking’ Pasay ‘este Pasay police ang tila gumagawa ng milagro at parang gustong iligwak ang bagong NCRPO chief na si Sir BGen. Vicente Dupa Danao, Jr.
Nitong Sabado ng gabi, namataan ang tatlong Pasay pulis sa madilim na bahagi ng Roxas Boulevard Service Road malapit sa isang condominium sa nasabing lugar.
Nagulat ang mga motorista kasi bigla na lang bumungad ang tatlong pulis at nagdeklarang nagsasagawa umano sila ng checkpoint.
Sinisita umano ng nasabing mga parak ang private car na may nakaupo sa passenger’s seat sa harapan.
Ang sabi, wala raw social distancing ang mga tao sa loob ng private vehicle. Bawal daw na may katabi sa harap ang driver.
Nagduda tuloy ang kabulabog natin sa ‘tirada’ ng mga lespung nagtatago ‘este nagte-checkpoint sa dilim.
Bakit hindi magdududa ‘e sa taxi nga puwede nang may katabi ang driver at dalawang pasahero sa likod, ‘yun pa kayang private vehicle?!
At ‘yun na nga, bakit sa madilim na bahagi nagte-checkpoint at walang signage na iyon ay checkpoint?
Gen. Danao Sir, mukhang sumasalikwat ang tatlong butiking Pasay ‘este pulis-Pasay?!
Ilang impormasyon po ang nakalap natin na target ng mga lespu na sumasalikwat sa dilim ang mga dayuhang Koreano at Chinese na naninirahan sa condo sa nasabing lugar.
Kasi nga naman hindi makaaangal sa kanila.
Napagkamalang ‘foreigner’ ang kabulabog natin kaya tinarget ng mga ‘tirador’ na butiking Pasay ‘este pulis-Pasay General Danao Sir, mukhang kailangan ninyong ‘makastigo’ ang tatlong parak na sumasalikwat ng ‘checkpoint’ sa dilim.
Mukhang hinahamon ng mga ‘butiking’ Pasay ang liderato ninyo Gen. Danao?!
Papayag ba kayong mabahiran ng mantsa ang inyong pangalan?!