NAWA’Y magising na ang ating mga lider sa delubyong dala ng taong 2020 sa ating bansa. Ngayong taon, kinastigo nang husto ang ating bayan ng iba’t ibang kalamidad kagaya ng pagputok ng Taal volcano, malalakas na bagyo kabilang na ang bagyong Rolly at Ulysses at ang global pandemic na CoVid-19. Hindi pa kasama rito ang sinasabi pang mga bagyo na darating bago matapos ang taon.
Sa totoo lang, kakulangan ng “vision” ang ating napapansin upang paghandaan ang hagupit ng mga delubyo at kalamidad sa ating bansa.
Ayon nga kay dating US President Ronald Reagan, “To grasp and hold a vision that is the very essence of successful leadership.”
Kumbaga, susi sa kakayahan at tagumpay ng isang pamunuan o liderato ang pagkakaroon ng “vision” sa maagang panahon pa lamang.
Hindi naman maikakaila na noon pa man ay may mga babala na ng isa pang matinding delubyo katulad ng CoVid-19 ngunit hindi naman tayo naghanda para man lang mailatag ang mga dapat gawin kung sakali mang tumama ito sa atin na sa kasamaang palad tumama nga sa ating ngayong taon.
Hindi rin natin maitatanggi na paboritong targetin ng mga bagyo ang ating bansa lalo kapag malapit na ang Pasko. Halos taon-taon ay ganito na ang senaryo at sitwasyon na nararanasan natin ngunit tila kulang pa rin ang ating paghahanda para suungin ang masakit na hagupit na iniiwan ng mga kalamidad na ito. Kulang na kulang tayo sa “vision” bilang isang bansa.
Kaya nga minsan, binabalik-balikan ng marami sa ating mga kababayan ang ginawang paghahain noong 2013 ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano ng Emergency Response Department o ERD Bill noong siya ay senador pa. Nais kasi ni Cayetano na magkaroon ng isang department agency na tututok sa preparasyon, relief at rehabilatasyon sa panahon ng kalamidad upang maabatan ang pinsala na dulot ng mga kalamidad sa mga ari-arian, kabuhayan, at maging sa buhay ng ating mga kababayan.
Gayonpaman, ni isang pagdinig sa ERD bill na ito ay hindi ginawa ng senado.
Nito lamang nakaraang taon, muling inihain ni Cayetano sa Kamara ang ERD bill na mismong isinulong ni Pangulong Duterte bilang kasapi ng kanyang priority agenda sa kanyang ikalawang State of the Nation Address. Lusot na sa kamara ang panukalang ito na ngayon ay tinatawag nang Department of Disaster Resilience (DDR) bill na produkto ng pinagsama-samang mga katulad na panukala ngunit hanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa senado.
Isipin na lang natin ang naging resulta nito kung naisabatas ang panukala, pitong taon ang nakaraan. Kung sana tinanong natin ang ating mga sarili kung ano ang maitutulong nito sa ating mga kababayan na nabiktima ng mga bagyo o iba pang kalamidad. Kailangan din mailatag natin ang mahihirap na tanong ni Cayetano kasama na kung gaano sana kalawak at katatag ang ating crisis response capacity kung binigyang halaga ang pagsasabatas sa panukala at kung ilang buhay pa ang maisasalba kung sana ay mayroon nang Department of Disaster Resilience.
Ang mga tanong na ito ay dapat sineseryoso ng mga lider ng ating bansa. Hindi nila dapat iwasan ang mga ganitong usapin para sa kapakanan ng taong bayan. Dapat harapin ng ating mga pinuno ang magiging resulta ng kanilang mga gagawing desisyon o hindi gagawing desisyon lalo sa paghagupit sa mga trahedya at kalamidad.
Dapat maaga pa lang ay pinaghahandaan na ang mga ganitong problema. Huwag tayong masanay na lagi na lang tayo ‘reactive’ kapag may nangyayaring trahedya. Pinakamainam pa rin na pinaghahandaan ang mga sakuna na hindi natin alam kung kailan na naman kakatok sa ating bansa at sa ating mga buhay.
“Vision” ang mahalagang isaisip ng ating mga pinuno para hindi nalalagay sa balag ng alanganin ang buhay ng mamamayang Filipino.