MAY pelikulang kasali sa festival si Nora Aunor. Bukod diyan, may isang serye pa siyang tumatakbo sa telebisyon. Sa ganyang sitwasyon, masasabi mo ngang si Nora ay isang artista na may magandang exposure sa kabila ng pandemya. At iyong kanyang serye ay napapanood sa TV talaga ha, hindi kagaya niyong iba na sa internet lamang nakikita.
Ang hinihintay ng tao ngayon ay iyong impact ng performances ni Nora. Magre-rehistro ba ng mataas na audience share ang kanyang TV show? Gaano kataas ang kaya niyon? Magiging malaking hit ba ang kanyang pelikula sa festival? Gaano karami ang manonood niyon at gaano kalaki ang kikitain? Iyan ang hinihintay na impact ng kanyang performance, hindi na iyong awards o kung ano pa man. Maraming pagkakataon na nanalo si Nora ng awards maging sa abroad, pero ang mga pelikula ay lugmok sa takilya, wala ring impact.
Dapat kumilos ngayon ang kanyang fans. Kailangang maging high rating ang kanyang TV show. Kailangang kumita ang kanyang ginawang pelikula. Kung hindi, ano mang awards ang makuha niya, makalusot man siyang national artist sa pagkakataong ito, bale wala pa rin iyon.
HATAWAN
ni Ed de Leon