NAALARMA na naman ang buong industriya. Nauna rito, natakot si Aiko Melendez nang mawala ang kanyang panlasa, kaya nagpa-isolate rin siya kahit na sinasabing nag-negative siya sa swab test. Nakakatakot din ang balitang kumalat na marami raw nahawa sa shooting ng isang pelikula, dahil biglang nagpositibo ang director, ang assistant niya at ang ilan pang production crew. Naalarma rin ang taping ng isang internet serye dahil sa may nalamang nagkaroon ng Covid sa kanilang staff. Talagang mataas pa rin ang peligro ng Covid.
Pero kung pag-aaralan, marami na rin naman ang nagkaroon ng Covid sa mga artista, pero lahat naman sila ay nakaligtas. Si Christopher de Leon ay mabilis na naka-recover. Si Michael V, nag-self isolate lamang sa kanyang bahay at uminom ng gamot na mabilis ding gumaling. Ang dami na rin namang nagka-Covid pero naka-survive. Sa showbiz, isa pa lang ang namatay sa Covid, ang actor na si Meggie Cobarrubias, pero may komplikasyon kasi at saka iyon ang panahong hindi pa alam ng mga doctor kung paano talaga gagamutin ang Covid. Nanghuhula lang sila kung ano ang gagawin. Pinipilit lang nilang pigilin ang symptoms.
Lahat naman ng pag-iingat ay ginagawa na nila. Sumasailalim sila sa swab test bago magsimula ang kanilang trabaho. Tapos lock in na sila. Pagkatapos ng trabaho, panibagong swab test bago sila umuwi ng kanilang mga tahanan. Kaya posible na kung may makakuha pa ng sakit, nakukuha nila iyan sa mga lugar kung saan sila nagsu-shooting. Hindi naman kasi lahat naka-lock in talaga. Paano iyong catering? Iyong nagdadala ng tubig na inumin? Iyong iba pang mga taong kailangang kumuha ng additional equipment at umalis sa set, at magbalik din.
Hindi natin talaga alam kung saan posibleng nagmula ang transmission eh. Iyong mga sinasabing infection lately, iyon nga si direk, iyong assistant at ilang production crew. Wala namang artistang nahawa. Ibig sabihin, posibleng doon iyon sa mga taong maaaring may nakasalamuha pang iba.
Talagang walang katiyakan kundi magkakaroon ng social distancing.
HATAWAN
ni Ed de Leon