MAKULAY at masalimuot ang buhay na ponagdaanan ng isa sa lead actor ng kaabang-abang na pelikulang Anak ng Macho Dancer na si Ricky Gumera habang siya’y lumalaki, kaya naman tunay ngang pang-MMK at Magpakailanman ang kuwento ng kanyang buhay.
Lumaki ito sa isang squatter community sa Cavite sa pangangalaga ng kanyang Lolo’t Lola na inakala niyang siyang tunay niyang mga magulang na kalaunan ay nalaman niyang Lolo at Lola pala niya.
Bata pa si Ricky ay inabandona na ito ng kanyang Ina at ipinamigay sa kanyang Lolo’t Lola, pang apa’t sa 11 magkakapatid si Ricky na iba-iba ang ama maliban sa tatlo niyang kapatid na pare-pareho ng tatay. At dahil sa hirap ng buhay ay nagawa ng ina nitong ipa-ampon na rin ang iba niyang mga kapatid.
Hindi nito nakilala ang kanyang ama at kahit nga ang kanyang nanay ay hindi na rin alam kung ano ang pangalan ng father niya.
Binuhay sila ng kanyang lola sa paglalabada nito na kung minsan kapag walang tanggap ng labada ay naranasan niyang mag-ulam ng asin na nilalagyan ng tubig para maging sabaw.
Buhay pa sa kanyang alaala na mula elementary hanggang high school ay kandila ang gamit niya sa pag-aaral dahil wala silang kuntador at pumapasok siya noon kahit walang baon basta’t bago siya umalis ay makakain siya ng tirang kanin.
Bata pa si Ricky ay maaga itong sumabak sa trabaho mula sa pagiging tagahugas sa isang karinderya, paglilinis ng babuyan na tumagal siya ng isang taon.
Nagtrabaho din siya sa junk shop ng anak ng ninang-tita na siyang nagpapa-aral sa kanya, nagawa rin niyang mangolekta ng mga kalakal at nagde-deliver at magbuhat ng case case na softdrinks.
Kaya naman sa hirap na kanyang pinagdaanan ay nagpursige ito sa pag-aaral na nakapagtapos ito ng kursong BS Marine Transportation dahil sa pagiging scholar at sa pagiging Varsity player ng volleyball sa PMMS Las Pinas. Pinasok din nito ang pagsali sa male pageant na itinanghal itong Mr Global Philippines 2019, naging ramp at commercial model na nakapagbago ng kanyang buhay.
Kaya naman napakasaya nito at very thankful sa mabait at generous producer ng Godfather Production na si Joed Serrano dahil isinama siya sa pelikulang Anak ng Macho Dancer na gagampanan nito ang role bilang si Kyle na anak ni Jay Manalo.
At kahit gaano kahirap ang buhay na kanyang dinaanan ay sumusumpa si Ricky na hindi siya kumapit sa patalim.
“Marami pong nagpaparamdam before na gay pero nandiyan na po ‘yung tita-ninang ko na nasandalan ko before. Siya ang sumusuporta sa pag-aaral ko bukod sa scholarship ko,” pagtatapos ng guwapong binata.
MATABIL
ni John Fontanilla