Thursday , December 26 2024

Tree planting ng LTFRB magpapabilis ba sa proseso ng franchise applicants?  

PAGKATAPOS ng sunod-sunod na bagyo at malawakang pagbaha sa Southern Luzon, Rizal, Metro Manila, Central Luzon hanggang Northern Luzon, isang kakaibang memorandum ang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). 

        Sa Memorandum Circular 2020-076 ng LTFRB, isinama nila sa mga rekesitos ang ‘tree planting’ o pagtatanim ng puno sa mga aplikante ng prankisa.       

        Pinangangambahan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na maging ‘suhay’ ng ‘red tape’ ang tree planting bilang bagong requirement ng LTFRB sa aplikasyon ng prankisa ng mga public utility vehicles (PUVs).

        Ibig sabihin, alam naman ng lahat na bawat rekesitos ay nahahanapan ng ‘butas’ para pagkakitaan.

        Dahil diyan inulan ng batikos ang LTFRB. Akala nga ng marami nasa ilalim na ng ahensiyang pangkapaligiran at likas na yaman ang LTFRB at wala na sa DOTr. 

        Mabuti naman at ‘yan ay maling akala.

        Ayon sa LCSP, ilang operator ang nagsabing handa silang magtanim ng puno, wala naman daw problema.

        Pero ang kanilang pahayag – “walang problema ang magtanim pero pakibilisan lang nila ang proseso ng mga papeles sa LTFRB.  Huwag naman nila kalimutan ang kanilang mandato at trabaho, alinsunod sa batas!

        “Baka naman kasi kung sakaling inire-require nga ang magtanim at kami ay tumalima, baka naman malalaki na ang mga puno at namunga na ay wala pa rin ang prankisa na aming inaplayan?”

        Anila, “Huwag naman itong maging mas malaking biro.  Pero bago sana magdagdag ng requirements ay tingnan muna kung makatutulong o mas makadaragdag sa mga pasakit ng mga may transaksiyon sa LTFRB.  

“May mga ‘dropping’ at ‘substitution’ na inaabot

nang taon ang resolusyon kaya tuloy naluma na ‘yung mga bagong sasakyan na dapat humalili sa phase-out ay hindi pa nakabibiyahe.”

Tsk tsk tsk…

Ilan kayang application for new franchise ang nagkalumot na at tinutubuan na ng kung ano-ano at ‘di pa kumikilos – mga for resolution na mga kaso, at iba pa.

E mas malamang sama ng loob lang ang maitanim sa bagong direktiba ng ahensiya. Hindi ito biro. Sana linawin ng ahensiya ang mga prayoridad nito at maging mas sensitibo sa pangangailangan ng mamamayan.

        Bukod diyan paano malalaman na nagtanim ng puno ang mga driver o operators? Sino o anong ahensiya ng pamahalaan ang magsesertipika na nagtanim nga sila ng puno? Higit sa lahat, saan magtatanim ng puno?!       

        Saan manggagaling ang itatanim na puno? Ano ang punong itatanim? Counted ba ang puno ng saging?

        Nangangamba rin si Atty. Inton na magresulta sa korupsiyon ang bagong polisiya ng LTFRB.

        Aba’y hindi malayo!

        Kaya panawagan niya kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, i-review ang memo na ginawa ng kanyang dalawang board member.

        Iminungkahi ni Atty. Inton bakit hindi i-blacklist ang mga truck na ginagamit sa illegal logging imbes dagdagan ng pasanin ang mga operator na magtanim ng puno?

        Itong mungkahi ni Atty. Inton, gustong-gusto natin ‘yan, mas may sustansiya kaysa memorandum ng LTFRB. Kailangang parusahan ang lahat ng sangkot sa ilegal na pagmimina, ilegal na pagtotroso, at ilegal na pagtitibag.

        ‘Yang tatlong ‘yan ang pangunahing salot sa ating kapaligiran.

        ‘Yan din tatlong ‘yan, ang pinagmumulan ng kuwarta ng mga gahaman.

        Bakit kaya hindi sila ang unang sinisingil ng pagngangalit ng mga bagyo?!

        Isang huling tanong: Ang puno ng katiwalian, kapabayaan, red tape, at kakuparan sa serbisyo, puwede rin bang ibaon sa lupa?!

        Pakisagot na nga LTFRB chief, Atty. Martin Delgra III?    

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *