MARAMI sa Bureau of Immigration (BI) ang nakikisimpatiya sa ilang imiigration officers (IOs) na nadagdag sa report na isinumite ng NBI sa Ombudsman.
Kung susuriin daw ang naturang report, hindi raw sapat na kasuhan ang ilan sa kanila lalo at ang record ng pasahero na involved sa encoding ay hindi naman puwedeng iugnay sa timbre at “Code R” na tinatawag.
Paano kung ‘in good faith’ ang pagkakamali or sakaling wrong admission lang?
Karaniwang nangyayari ‘yan lalo at bago pa ang IO.
Bukod sa screenshot ng cellphone sa viber group kung saan kasama dati si Chiong, may mga IO na isinama sa kaso pero hindi naman talaga kasali sa ‘pastillas scam’ at posibleng napag-utusan lang na i-allow lang ang pasahero komo bisor nila ang nag-utos.
Madalas ay biktima ang mga bagong Primary Officers na hindi pa bihasa sa immigration counter.
Marami ang sumisigaw ng tamang hustisya lang!
Hindi ‘yung itinuro lang, ‘yun na!
Paano nga kung sakali ngang ipatupad ang One Strike Policy na gustong ipatupad ng BOD?
Ibig sabihin ba nito ay ligwak agad ang kawawang IO nang wala man lang proseso?
That’s so absurd!
Masyado nang demoralisado ang buong Bureau, dala ng 2 whistleblowers na lumutang sa senado.
Sa ginagawa nilang pagbanggit ng pangalan ng kahit sino, baka mas bagay na ‘bayong sa ulo’ ang isaklob sa kanila kaysa bullet proof vest na karaniwang nakikita.
Wala tayong naaaninag na katotohanan na pagbabago sa institusyon ang layunin nito kundi pagyurak sa dangal at reputasyon ng ahensiya na minsan ay pinakinabangan din nila.
Bayani ba silang matatawag?
O baka dahil bayaning ‘nabukulan’ lang!?