NAKALIGTAS man sa pananalanta ng bagyong Rolly, nawalan pa rin ng bahay ang pamilya ng isang retiradong pulis nang masunog ang kanilang bahay dahil sa napabayaang may sinding kandila nitong Miyerkoles ng gabi, 4 Nobyembre, sa lungsod ng Legazpi.
Ayon kay Senior Fire Officer 2 Lito Patricio, hepe ng Intelligence and Investigation Division ng Legazpi City Fire Station, nagsimula ang sunog dakong 9:45 pm at tumupok sa bahay na pag-aari ni Domingo Alvarez sa Barangay Gogon, sa naturang lungsod.
Ani Patricio, maaaring nagsimula ang sunog sa kandilang naiwanang may sindi sa loob ng isang kuwarto.
Nawalan ng koryente sa lungsod at sa lalawigan ng Albay dahil sa malakas na hanging hatid ng bagyong Rolly noong Linggo, 1 Nobyembre.
Walang nasaktan sa sunog na tinatayang P1,700,000 ang halaga ng napinsala.
Ayon sa mga awtoridad, aabutin ng dalawang linggo bago magbalik ang koryente sa lungsod ng Legazpi, at halos dalawang buwan para sa buong lalawigan.