INATASAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso si Market Administrator Zenaida Mapoy na tiyaking walang aabuso sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga pampublikong pamilihan sa Lungsod ng Maynila matapos ang pananalasa ng bagyong Rolly.
Ito’y upang masiguro na makakakain nang sapat at masustansiya ang bawat pamilyang Manileño sa gitna ng pandemya at kalamidad.
Siniguro ng Market Masters na nangangasiwa sa 17 pampublikong pamilihan ng lungsod na mananatiling patas at abot-kaya ang presyo ng mga bilihin sa Maynila.
Maraming agricultural products ang dinadala at ibinebenta sa mga pampublikong pamilihan sa lungsod ng Maynila mula sa ibang lalawigan sa southern Luzon kabilang ang Batangas, Quezon, at Bicol na lubhang naapektohan ng bagyong Rolly.