ISA na namang senador ang nagpakita ng interes sa isyu tungkol sa paglobo ng bilang at kuwestiyonableng pagpasok ng Chinese nationals sa bansa.
Kamakailan lang ay lumabas sa isang pahayagan ang pagpapakita ng interes ni Senador Juan Miguel Zubiri na imbestigahan ang presensiya ng mga nagtatrabahong tsekwa sa planta ng bakal sa Misamis Oriental na ayon sa kanya ay pawang walang legal working permits.
Lumalabas na ang Pinoy Aksyon for Governance and Environment, isang advocacy group, ang nagsumite ng kanilang apela sa senador na bulatlatin ang issue tungkol sa naturang mga banyaga.
Dagdag ni Zubiri, ang Senate Committee on Labor ang naatasang magsagawa ng imbestigasyon base sa Senate Resolution 67 na nagsasaad ng “influx of illegal foreign workers in the country.”
Ayon kay Pinoy Aksyon Chairperson Ben Cyrus Ellorin, hiningi niya ang tulong nina Senador Zubiri at Francis “Kiko” Pangilinan na talakayin nila ang walang habas na pagdami ng mga Intsik na nagiging kaagaw ng mga Filipino sa kanilang pang-araw-araw na ikinabubuhay.
Maging ang isyu ng ‘pastillas’ ay hindi rin naiwasan na banggitin ni Ellorin?!
“We want the senate to look into issue across party lines and not just a token after President Duterte issued a statement on pastillas scam,” aniya.
Samantala, iniulat ng opisina ng Bureau of Immigration sa Cagayan de Oro na nakatanggap sila ng report tungkol sa 48 Chinese nationals na nagta-trabaho nang walang working permit sa factory ng Keim Hing Steel Corporation sa Villanueva, Misamis Oriental.
Ayon sa Alien Control Officer ng BI Cagayan De Oro na si Felipe Alano, Jr., kasalukuyan silang naghihintay ng “mission order” galing kay BI Commissioner Jaime Morente bago sila sumulong sa pag-iimbentaryo ng mga empleyadong banyaga sa naturang kompanya.
Dagdag ni Alano, simula 2016 pa nagsimula ang operasyon ng Kim Hing Steel Corporation at nitong 21 Setyembre ay tumungo sila roon upang magsagawa ng inspeksiyon. Datapwa’t, sila ay hindi pinahintulutan na pumasok ng tagapangasiwa ng kompanya!
Malamang may tong-pats kaya matigas?!
Hindi malayo na mahaba pa ang lalakbayin ng imbestigasyon tungkol sa ‘pastillas scam.’ Unti-unti nang dumarami ang interesadong sakyan ang isyu lalo pa’t wala naman ibang malaking balita na maaaring ipantakip dito.
Bukod riyan, nagiging media mileage din ito para sa mga politiko lalo na roon sa mga gustong bumatikos sa kasalukuyang administrasyon!
Ngunit para sa atin, dapat lang na ito ay tapusin na dahil sa totoo lang, nagiging boring na ang paulit-ulit na grandstanding ng dalawang state witnesses na sina Allison “Alex” Chiong at si Jeffrey Dale “Boss Nyepi” Ignacio.
Dito lang sa atin, na ang mga ganitong personalidad na kasama dati sa ‘sindikato’ ang gino-glorify. Kung tutuusin mas nararapat na bigyan sila ng leksiyon dahil sa kanilang partisipasyon!
Gaya rin ni ‘Dimas’ sa Biblia, bagamat nagsisi sa kanyang nagawang kasalanan na magnakaw ngunit ‘di ito pinaligtas ng mga hudyo at ipinako pa rin!
Ganyan ang dapat!