Monday , December 23 2024

Dagdag sahod para sa mga guro, napapanahon na

WALA pa man ang CoVid-19, taunan nang nahaharap sa ‘panganib’ ang mga guro. Hindi lang sa pagbubukas ng klase kung hindi sa buong isang academic year.

Nandiyan iyong abonado ang mga guro – kulang kasi ang budget na ibinibigay para sa kanila tulad ng mga materyales na kailangan sa pagtuturo. Maging sa pagbili ng chalk ay hirap silang pagkasyahin ito para sa loob ng isang taon.

 

Nariyan din ang ginagawa nilang pagbisita nang personal sa kanilang mga estudyante na halos hindi na pumapasok sa paaralan sa kadahilanan walang pasahe, walang baon, walang katuwang ang magulang sa pagtatrabaho sa bukirin, at maraming iba pa.

 

Ang lahat ay sinisikap gawin ng isang guro alang-alang sa mga bata upang hindi sila mahuli sa kaalaman lalo’t edukasyon talaga ang masasabing isa sa pag-asa ng lahat, bata man o matanda.

 

Sa mga ginagawang pagsisikap ng mga guro lalo sa mga nagtuturo sa eskuwelahan na pinatatakbo ng pamahalaan, abonado, o mula sa bulsa nila ang gastusin sa kabila ng mababang sahod.

 

Napapanood naman natin sa mga balita sa telebisyon o “featured story” kung gaano kahirap abutin ng mga guro sa liblib na lugar ang kanilang mga mag-aaral na minsanan lang pumapasok o hindi kaya maging sa araw-araw na pagpasok sa school ng isang guro . Tinatawid ang mga rumaragasang ilog, inaakyat ang maputik at matarik na bundok pero hindi ito nagiging sagabal marating lamang ang eskuwelahan o ang isang mag-aaral sa kanilang bahay.

 

Nitong 5 Oktubre 2020, nagbukas na ang klase sa ilalim ng nakapaninibagong estilo ng pagtuturo dahil sa pandemya. ‘Ika nga distance learning.

 

Sabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, matagumpay ang pagbubukas ng klase sa kabila ng banta ng CoVid-19. Bakit daw napagtagumpayan ang pagbubukas ng klase?

Ito ay sa kadahilanang napaghandaan ang lahat para sa mga mag-aaral – educational TV at radio shows sa buong bansa bukod pa rito ang printed learning modules na ipinamahagi sa mga mag-aaral na walang gadgets o walang internet sa kanila lalo ang mga nasa malalayo at liblib na lugar.

Ginawa ng mga guro ang lahat, makarating lamang sa mga estudyante ang mga module.

Iyan ang mga guro, hindi lamang ngayong panahon ng pandemya kung hindi noon pa man, buwis-buhay na sila.

Kung noon pa man ay buwis-buhay na ang mga guro, mas lalo ngayon dahil sa kinahaharap na kalaban, ang CoVid-19. Sa paglabas, pagpunta sa bahay ng mga estudyante para gabayan ang mga bata, malaki ang posibilidad na mahahawaan sila ng virus pero hindi ito alintana ng mga guro. Katunayan, gaya ng naunang nabanggit noon pa man, talagang buwis buhay na ang mga guro.

Ngunit sa kabila ng lahat, hanggang ngayon hindi pa rin napagbibigyan ang matagal na nilang karaingan, ang dagdag na sahod.

Hindi naman lingid sa kalaman ni Briones ang maliit na sahod ng mga guro maging ang pag-aabono ng mga guro kaya, sana naman ay ibigay na ang matagal nang panawagan ng mga guro lalo sa panahon ngayon. Kailangang-kailangan ito ngayon ng mga guro.

Wala tayong nakikitang kadahilanan para hindi pagbigyan ang matagal nang panawagan ng mga guro sa pamahalaan. Kung nagawa ngang doblehin ang suweldo para sa mga pulis at militar, walang dahilan para hindi gawin ito sa mga guro.

Armas man ng mga guro ay blackboard, chalk, libro, para mabigyan ng sapat na edukasyon ang mga mag-aaral, walang dahilan para magbingi-bingihan ang pamahalaan.

Ibigay na ang dagdag suweldo ng mga guro na matagal nang ipinangako ng pamahalaan pero hanggang ngayon ay hanggang pangako pa lamang.

Pero sa kabila nito, ating sinasaludohan ang mga guro dahil nariyan pa rin sila – nananatiling nakatayo para sa mga mag-aaral.

Kaya napapanahon na ang dagdag sahod para sa mga guro, huwag nang hintayin pang sila ay mangibang bansa katulad ng nakararami nating nurse, doctor at iba pa.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *