ANG apat na araw na special session ng House of Representatives na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na magsisimula sa 13-16 Oktubre ay magsisilbing “balaraw na nakaumang sa ulo” ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa panahon ng special session, malamang may paglagyan si Cayateno kung maaantala at hindi kaagad maipadadala sa Senado ang P4.5 trillion proposed national budget kabilang ang hindi niya pagsunod sa term-sharing kay Rep. Lord Allan Velasco.
Napikon si Digong kay Cayetano dahil sa kabila ng pag-aproba sa second reading ng General Appropriations Bill o GAB, mabilis na sinuspinde ang sesyon sa Kamara noong 6 Oktubre na tatagal hanggang 16 Nobyembre.
Silip na silip na iwas-pusoy si Cayetano dahil kung magpapatuloy ang sesyon sa Lower House, tiyak na aabutin siya sa napagkasunduang petsa ng term-sharing ng speakership na nakatakda sa 14 Oktubre.
Kaya nga, ang special session na ipinatawag ni Digong ay lumalabas na isang direktiba kay Cayetano, at pahiwatig na dapat niyang sundin ang term-sharing kay Velasco at ituloy ang deliberasyon para maiwasan ang reenacted budget.
Hindi kasi inakala ni Cayetano na sa kanyang mala-diktador na pagpapatakbo ng Kamara ay magreresulta ng galit mismo ng taongbayan kabilang na ang mga kongresista at mga senador na nagbanta na kung hindi maipapadala sa takdang oras ang national budget bill siguradong reenacted budget ang mangyayari sa gastusin ng pamahalaan sa susunod na taon.
Kung tutuusin, nag-iba ang political atmosphere sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nang magsalita si Digong sa harap ng taongbayan at galit na sinabing itigil na ang bangyan at ayusin ang gulo sa pagitan nina Cayetano at Velasco.
Pero hindi iilang political observers ang nagsasabing ang galit ni Digong ay patungkol kay Cayetano. Ang ginawang pagsuspinde ng sesyon ni Cayetano, ayon mismo umano kay Digong, ay illegal at unconstitutional.
Hindi pa ba sapat na mismong si Digong ang nagsabing nadenggoy siya ni Cayetano?
Sa ngayon, parang maamong tupa si Cayetano, humingi na siya ng paumanhin sa mga nakasagutang senador sa kanyang mga inasal tungkol sa reenacted budget at nangako rin kay Digong na tatapusin sa takdang oras ang national budget.
Ang kailangan na lang bantayan ngayon ay kung sa Oktubre 14, ang petsa ng term-sharing, susundin ni Cayetano na ibigay ang speakership kay Velasco. Dito makikita kung maginoong kausap si Cayetano at susundin ang term-sharing agreement na si Digong mismo pa ang pumagitna.
Kung lalabagin ito ni Cayetano, malinaw na sinuwag na niya si Digong. at kung gagawin niya ito, hindi rin natin alam kung ano ang mangyayari sa kanyang political career lalo ang balaking tumakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na 2022.
Sabi nga ni Matet… “takot ako, e!”
SIPAT
ni Mat Vicencio