PINALAKAS ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang kanilang libreng internet connection bilang paglulunsad kahapon sa Ospital ng Sampaloc (OSSAM) na tinawag na “Project Alis Lungkot” alay sa mga pasyente sa isolation para makasagap ng libreng internet access para makausap ang kanilang pamilya habang nasa proseso ng pagpapagaling sa ospital.
Ayon kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, umaasa siya na makababawas sa lungkot o stress na nararanasan ng mga pasyente habang sila ay nasa isolation at tuluyang nagpapagaling sa CoVid-19 o sa iba pang mga karamdaman.
Napagalaman na isa sa kinakaharap ng mga pasyenteng positibo sa CoVid-19 ang lungkot na mawalay sa pamilya sa panahon ng quarantine sa ospital kaya’t ang maayos na internet access ay malaking bagay para sa mga pasyente gayondin para makatulong sa mga OSSAM hospital workers na mas episyenteng makapaghatid ng serbisyo.
Pinuri ni Moreno si OSSAM Hospital Director Aileen Lacsamana, ang OSSAM Public Information Office at ang kanilang Information and Communication Technology (ICT) division dahil sa nabanggit na inisyatiba.
(BRIAN BILASANO)