Sunday , December 22 2024

Pekeng taripa gamit ng ilang konduktor ng PUB sa Kyusi

HINDI lang isang beses kung hindi maraming beses nang inianunsiyo ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na walang kautusan ang ahensiya na may dagdag pasahe sa mga pampasaherong sasakyan ngayong panahon ng pandemya.

Ibig sabihin, kung ano ang pasahe noon bago umatake ang ‘veerus,’ wala pa rin pagbabago sa pasahe. Halimbawa kung piso noon, nananatiling piso pa rin ngayon.

Heto nga, hindi ba kabubukas lang din ng mga linya para sa ilang PUB na biyaheng probinsiya – bagamat hindi pa lahat ng probinsiya ay pinayagan ng LTFRB.

Bago, lumarga ay nakiusap ang mga operator sa ahensiya ng dagdag sa pasahe pero tinanggihan ito ng LTFRB. Nagpapadagdag ang mga operator ng bus at jeep ng pasahe dahil halos kalahati lang ang puwede nilang maisakay na pasahero.

Naiintindihan naman natin kung bakit nagpapadagdag ang mga operator… isa nga riyan ay masasabing talo lalo sa bahagi ng mga driver at konduktor na commission basis ang kitaan.

Pero ano pa man, wala silang magawa kung hindi sumunod sa kautusan na “no fare increase.”

Sa kabila ng kautusan ng LTFRB, talaga naman…may mga hindi sumusunod sa kautusan. Hindi ang bus operators kung hindi ang mga konduktor kasabwat ang kanilang driver. Sila-sila ang nagdadagdag ng pasahe. Hindi naman nila dinoble kung hindi hanggang P3.00 o P5.00 ang idinagdag nila depende sa bababaan ng pasahero.

Tulad ng reklamo ni Kuya Barbero, ayaw niyang magpabanggit ng pangalan. Kamakalawa, habang ginugupitan niya ako ay naglabas siya ng karaingan laban sa ilang bus na biyaheng Quezon Avenue  – Fairview (vice versa) Quezon City.

Si Kuya Barbero ay senior citizen na at araw-araw na pumapasok sa Kamuning Road, QC. Nandoon ang pinapasukang barberya.

Araw-araw siyang sumasakay sa bus – mulang Luzon Avenue hanggang Quezon Avenue pero sa kanto ng East Avenue at EDSA siya bumababa – sa harapan ng LTFRB.

Sa ordinaryong bus, ang pasahe ay P11.00 mula kanto ng Luzon Avenue at Commonwealth Avenue pero pilit siyang pinapababayad ng konduktor ng P15.00.

Tumanggi si Kuya at sinabihan ang konduktor na ayon sa LTFRB ay walang fare increase. Hayun, nagalit ang konduktor …minura siya at pinababa sa bus bukod sa may ipinapakitang kopya ng taripa na mula raw sa LTFRB hinggil sa fare increase ngayong pandemya.

Hindi siya bumaba at ibinayad pa rin ang P11.00. Kinuha naman ng konduktor at tiniketan siya pero galit na galit sa kanya ang konduktor.

Pagdating sa East Avenue, pagkababa ay dumeretso siya sa LTFRB para beripikain ang lahat. Hayun, wala talagang fare increase at walang inilalabas na bagong taripa ang ahensiya.

Isa lang ang ibig sabihin nito, ilang bus na biyaheng Quezon Ave – Fairview ay gumagamit ng pekeng taripa o gumagawa ng sariling batas.

Nadesmaya naman si Kuya Barbero dahil sinabihan lang siya sa LTFRB na…sige, iimbestigahan namin ‘yan at ipatatawag na lamang daw siya. Pero hanggang ngayon, wala pa rin tawag mula sa LTFRB.

E paano pa kaya kung nanghingi pa ng senior citizen discount si Kuya Barbero? Marahil hindi lang pagmumura ng konduktor ang ibabato kung hindi, malamang tinadyakan na siya.

LTFRB chairman Martin Delgra, your attention is badly needed. Madali lang mahuli ang mga ganitong klaseng konduktor kung gugustuhin ng inyong ahensiya. Magpadala kayo ng tauhan para magpanggap na pasahero at tiyak sa pamamagitan nito “entrapment style” huli ang mga gunggong na gumagamit ng pekeng taripa.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *