PATAY ang isang lalaking suspek sa pananaga at pamumugot ng ulo sa lalawigan ng Rizal, sa enkuwentro laban sa mga pulis-Zambales nitong Miyerkoles ng umaga, 7 Oktubre.
Kinilala ng PNP-AKG ang napatay na suspek na si Edison Villaran, inisyuhan ng arrest warrant ng Regional Trial Court Branch 69 sa Binangonan, Rizal dahil sa pamamaslang.
Ayon sa ulat, ihahain ng mga miyembro ng PNP-AKG sa pangunguna ni AKG Luzon Field Unit chief P/Col. Villaflor Bannawagan, kay Villaran ang arrest warrant sa Govic Road, Barangay Naugsol, Subic dakong 3:00 am nang paputukan sila ng baril ng suspek.
Gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa agarang pagkamatay ni Villaran.
Narekober mula sa pinangyarihan ang isang kalibre .45 baril.
Ayon sa datos ng pulisya, pangunahing suspek si Villaran sa pamamaslang kay Jesus Almoradi, residente sa Barangay Magcal, sa bayan ng Cardona, lalawigan ng Rizal, na pinagtataga at pinugutan ng ulo.
Nauna nang nadakip noong 3 Oktubre sa lungsod ng Pasig ang kapatid ni Villaran na si Jovito, isa pang suspek sa pagpatay kay Almoradi.
Nabatid na may kaugnayan ang magkapatid na Villaran sa mga insidente ng nakawan at kidnap for ransom sa lalawigan ng Rizal.