ISANG dating mamamahayag na ngayon ay general manager ng isang construction firm ang nagpa-blotter sa National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG) dahil sa death threats na kanyang natatanggap mula sa kanyang dating ahente at tatlong dating empleyado na kanyang sinibak sa kompanya dahil sa ginagawa umanong katiwalian.
Ang mga suspek na inireklamo ay kinilalang sina Christine Adaniel Escalante Reuyan, Mark Eudell Guerrero Jose Gayoba, alyas Madam Lola, at Myla Gumban.
Sa reklamo sa NBI at CIDG ni Virginia Rodriguez, dating sports writer ng Manila Bulletin, mula nang sibakin niya ang mga suspek ay pinagbabantaan na umano siyang papatayin.
Aniya, kumuha umano si Reuyan ng isang bayarang gunman at nagbigay ng paunang bayad na P100,000 upang siya ay ipatumba.
Sinabi ni Rodriguez, sinisiraan pa umano siya ng mga suspek sa mga taong kakilala niya sa gobyerno upang sila ang makapagpatuloy ng mga proyekto matapos nakawin ang ilang dokumento sa kompanya.
Ayon kay Rodriguez, kompleto siya ng mga ebidensiya hinggil sa planong pagpatay sa kanya at paninira.
“Si Reuyan, Guerrero, Gayoba, at Gumban ay nagkita sa isang lugar upang planohin ang pagpatay sa akin. Si Guerrero ang kumontak sa isang dating ‘military gunman’ upang itumba ako sa halagang P1 million,” ani Rodriguez.
Aniya, mula nitong nakaraang linggo ay mayroong mga kotse na umiikot sa kanyang bahay upang manmanan siya, at mayroon din mga kahina-hinalang sasakyan ang sumusunod sa kanya tuwing siya ay lumalabas ng bahay.
Bukod sa pagpapa-blotter sa NBI at CIDG ay nakatakdang magsampa ng kaso sa korte sa Las Piñas si Rodriguez laban sa mga suspek.
Ayon kay Atty. Joel Diokno, abogado ni Rodriguez, isasampa nila sa korte ang kasong grave threats, slander, at cyber libel ang mga suspek.