APAT na lola, pinakabata ang 65-anyos sexagenarian, isang septuagenarian, at dalawang octogenarian, ang hindi nakaligtas sa kamatayan, nang banggain ng pick-up na nawalan ng preno at sinabing minamaneho ng isang 62-anyos driver, habang nagkakape sa isang tindahan sa Barangay Bae, Jimalalud, Negros Oriental nitong Miyerkoles ng umaga, 7 Oktubre.
Kinilala ang mga namatay na biktimang sina Milagros Garsula, 82 anyos, ng Barangay Bae; Lydia Garsula, 80 anyos, at Remedios Fabillar, 65 anyos, kapwa mga residente sa Barangay Panglaya-an; at Herminilda Gantalao, 76 anyos, ng Barangay Tamao.
Nabatid na minamaneho ng 62-anyos negosyante ang pick-up truck na si Robert Lim, residente sa Barangay North Poblacion, sa naturang bayan.
Ayon kay P/CMSgt. Edilberto Euraoba III, Negros Oriental police public information officer, nabatid sa kanilang imbestigasyon na nagkakape ang mga biktima sa harap ng tindahan nang mangyari ang insidente kung saan tumilapon sa kalsada at sa kanal ang mga biktima.
Dinala ang dalawa sa mga biktima sa Jimalalud Rural Health Unit, ngunit idineklarang dead-on-arrival, gayundin ang dalawang iba pa na dinala sa Guihulngan City District Hospital.
Samantala, dinala si Lim sa isang pribadong ospital sa Ace Medical Doctors Hospital sa lungsod ng Dumaguete.