TATLONG estudyante at negosyante ang sugatan, isa ang malubha, habang nakikipag-ugnayan sa kanilang online classes, dahil sa pagsalpok ng isang 10-wheeler truck sa isang computer shop sa bahagi ng Maharlika Highway, sa lungsod ng Ligao, lalawigan ng Albay, nitong Martes, 6 Oktubre.
Kinilala ni P/SSgt. Joel Llamas, imbestigador ng Ligao City police, ang mga biktimang sugatan na sina Nikko Oriel, 14 anyos, Grade 9; Ralf Marcos Quiped, 12 anyos, Grade 6; Justine Dela Cruz, 15 anyos, junior high school; at Marion Manga, 27 anyos, may-ari ng computer shop.
Ayon kay Llamas, binabagtas ng isang Isuzu flatbed truck mula sa bayan ng Guinobatan ang national road sa Barangay Tuburan kahapon dakong tanghali nang mawalan ng preno at bumangga sa computer shop na kinaroroonan ng mga estudyante at ng may-ari.
Kinilala ang driver ng truck na si Severo Sadia, residente sa lungsod ng Naga; at kaniyang kasamang si Jero Abraham, 18 anyos.
Ani Sadia sa mga pulis, nawalan ng preno ang truck at hindi niya napigilang umandar patungo sa computer shop.
Dinala ang tatlo sa mga biktima sa pagamutan upang malapatan ng lunas, samantala dinala si Dela Cruz, na naipit sa ilalim ng truck, sa Regional Training and Teaching Hospital.