MAGDADALAWANG buwan na rin nang muling magbukas ang legal na sugal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) – ang lotto. Inasahan ng ahensiya sa pagbubukas ng lotto ay malaki ang maitutulong nito sa pondo para sa nangangailangan na lumalapit sa PCSO gaya ng para sa gamot, hospital bills assistance, etc.
Pero taliwas ang nangyayari ngayon, maliit pa rin ang kita mula sa lotto bagamat, may pumapasok naman. Iyon nga lang hindi sapat sa pagsuporta sa mga nangangailangan pero pilit pa rin naman tinutulungan ng PCSO ang mga lumalapit sa ahensiya.
Bakit kaya hindi masyadong kumikita ang lotto ngayon? Marahil, marami pa rin takot na lumabas para tumaya dahil nariyan pa rin ang kinakatakutang virus — ang CoVid 19.
Pero ang pandemya ba ang tunay na dahilan o pumapatay sa kita ng PCSO sa lotto? Hindi nga ba ang mga ilegalistang nagpapatakbo ng ilegal na sugal ang pinakadahilan ng maliit na kita ng lotto?
Tama! Hindi ang pandemya ang pumapatay sa lotto kung hindi ang mga ilegalista na nagpapatakbo ng ‘lotteng.’ Bookies kung tawagin din sila.
Natatalo ang lotto sa lotteng dahil ang estilo sa lotteng na may mga umiikot silang kobrador para makakolekta ng taya o nagpapataya. Kung baga, mas gugustuhin ng mga mananaya ang lotteng dahil hindi na nila kailangan pang lumabas o pumunta sa lotto outlet para tumaya.
Siyempre sa pamamagitan ng estilong kobrador, malaki ang nawawala sa kita ng lotto kada araw, kada buwan o sa loob ng isang taon.
Sa Marikina City, masasabing malaki ang nawawala sa kita ng PCSO o kanilang lotto sa lungsod. Ang dahilan! Ano pa nga ba kung hindi ang mga ilegalista kasabwat ang ilang opisyal o tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Pinapatay ng isang alyas ‘Pinong’ ang kita ng PCSO sa Marikina dahil sa pasugalan nitong lotteng. Ibig sabihin, talagang malaking halaga ang hindi pumapasok sa PCSO.
Siyempre, dahil ilegal ang lotteng, hindi nagbabayad si alyas ‘Pinong’ ng buwis mula sa kita niya sa lotteng. Kaya, ano ang tawag sa ganito? Hindi ba maikokonsiderang “economic sabotage?
Hindi naman lingid sa kaalaman ng pulisya — Marikina Police Station at Eastern Police District (EPD) —- ang lantarang operasyon ng lotteng ni Pinong sa lungsod pero, ano kaya ang dahilan at hinahayaan lamang nila ang lotteng ni Pinong? Sa kanila ba nagbabayad ng ‘buwis’ si alyas Pinong?
PCSO General Manager Royina Garma, hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman ang impormasyon hinggil sa operasyon ng mga lotteng sa Metro Manila. At alam kong batid din ninyo na ang lotteng ang pumapatay sa kita ng lotto.
Madame, ang Marikina City o ang pulisya dito ay nasa ilalim ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na pinamumunuan ni Director Debold Sinas, bakit hindi po ninyo hingin ang tulong ng heneral para tuldukan ang lotteng ni alyas Pinong? Malinaw na ang lotteng ang isa sa pumapatay sa kita ng lotto hindi lamang ngayong panahon ng pandemya kung hindi kahit noon pa.
Ganoon din pala sa lalawigan ng Rizal, nagbabalak na uli si alyas Bong Zolas na buhayin ang kanyang lotteng sa buong lalawigan.
AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan