PATAY ang isang magnanakaw sa bayan ng Obando, sa lalawigan ng Bulacan matapos manlaban at makipagbarilan sa mga alagad ng batas habang nadakip ang tatlo niyang kasabwat sa mainit na pagtugis na umabot hanggang Barangay Pantoc, sa lungsod ng Meycauayan, noong Biyernes ng hapon, 2 Oktubre.
Batay sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ni P/Maj. Leo Aquino, officer-in-charge ng Obando Municipal Police Station (MPS), isinagawa ang paghabol sa suspek katuwang ang puwersa ng 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Meycauayan City Police Station (CPS) laban sa hindi kilalang magnanakaw na tumangay ng tatlong yunit ng laptop, pitong wristwatches, at tatlong Apple iPhone sa loob ng bahay ng biktima sa Barangay Paco, sa naturang bayan.
Natunton ng pulisya ang kinaroroonan ng suspek dakong 4:30 pm sa pamamagitan ng GPS sa ninakaw niyang cellphone.
Sa pagtugis, nakorner ang suspek sa Barangay Pantoc, Meycauayan, na unang nagpaputok ng baril kaya napilitan ang mga operatiba na gumanti at nagresulta sa kaniyang kamatayan.
Samantala, arestado ang mga kasabwat ng suspek na napaslang na kinilalang sina Dina Medalyo, Allan Bayan, at Marvin Donato.
Nakuha ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ang isang unit ng 9mm caliber pistol, isang Yamaha Sniper na get-away vehicle, at ang mga ninakaw na gadgets.
(MICKA BAUTISTA)