ANG LINAW, at kahit saan mo tingnan at pagbali-baliktarin man ang sitwasyon, halatang nagpapalusot lang itong si House Speaker Alan Peter Cayetano! Hindi kayang debatehin ng sino man na ayaw talagang ibigay ni Cayetano ang speakership kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ang kasunduan na mismong si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang pumagitna kina Cayetano at Velasco, ay klaro na dapat magkaroon ng term-sharing. At ngayong Oktubre ay dapat nang ibigay ni Cayetano ang speakership kay Velasco.
Mahirap bang intindihin ‘yun, ha?! Magkakaroon ng term-sharing ayon kay Digong! Ang tigas ng bungo mo, Matet!
Kaya nga naupo si Cayetano bilang Speaker dahil pinagkasundo sila ni Digong. Si Cayetano ay pinagbigyan maging speaker ng 15 buwan habang si Velasco naman ay 21 buwan dapat manungkulan bilang lider ng Kamara.
Sabagay, matagal ko nang sinasabing hindi talaga ibibigay ni Cayetano ang speakership, at kahit tingnan pa ang mga nakaraan nitong statement, pilit na iginigiit na hindi siya bibitiw at tatapusin ang kanyang pagiging speaker hanggang matapos ang 18th Congress.
Lahat ng paraan, palusot, gimik, drama at scenario ay gagawin nitong si Cayetano makapaghari lang siya sa House of Representatives. At gamit ang budget, parang mga ‘asong-ulol’ ang mga kongresista sa pagtatanggol kay Cayetano manatili lang ang liderato nito Kongreso.
At kahit sabihin pa ni Cayetano na mayorya ng mga kongresista ay nasa kanya ang suporta, babalik lang tayo sa argumentong meron ngang term-sharing na napagkasunduan sila ni Velasco at si Digong mismo ang namagitan.
Kaya nga, moro-moro talaga ang nangyaring pagbibitiw ni Cayetano bilang speaker, dahil alam naman ng lahat na nakaabang na ang kanyang mga alipores na magpapahayag ng pagtutol at hindi tatanggapin ang resignation ni Cayetano. Tigas talaga ng bungo, term-sharing nga!
Hindi pa ba sapat ang nangyari nitong nakaraang Martes nang magtungo sina Velasco at Cayetano sa Malacañang sa harap mismo ni Digong? Ikinagulat ng lahat na sa nasabing pagpupulong, hindi man lamang pinansin at binasa ni Digong ang isang manifesto na iniabot sa kanya na nilagdaan daw ng mahigit 200 kongresista na sumusuporta kay Cayetano.
Malinaw na ang ginawang ito ni Digong ay pagpapakita na dapat na itigil ang mga gimik na ginagawa ng kampo ni Cayetano at sa halip ay tuparin ang term-sharing na napagkasunduan.
Sana mahimasmasan itong si Cayetano sa kanyang ginagawang harap-harapang pambabastos kay Digong. Sundin niya ang napagkasunduan para sa ikatatahimik ng Lower House. Husto na ang mga palundag at hindi naman siya pinaniniwalaan ng taong bayan.
Ito ang malinaw, at gustong mangyari ni Digong… term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing, term-sharing… kulet mo!
SIPAT
ni Mat Vicencio